SUGATAN sa sagupaan sa Sulu ang apo ng Abu Sayyaf Group (ASG) lider matapos ang sagupaan ng security forces laban sa pro-Islamic State group.
Sa ulat ng militar, kinilala ang nasugatan na terorista na si Muadz, apo ng senior leader ng ASG na si Radulan Sahiron.
Kinilala rin ang dalawang terorista na si Aldam at Sans na mga teroristang sugatan habang dalawang sundalo rin ang nasugatan.
Nangyari ang labanan noong Miyerkules sa pagitan ng 21st Infantry Battalion at Abu Sayyaf sa bayan ng Patikul, kilala bilang balwarte ng teroristang grupo ayon kay Maj. Gen. William Gonzales kumander ng Joint Task Force Sulu.
Ang labanan ay tumagal ng 15 minuto, ayon kay Gonzales. Hindi niya sinabi kung ilan ang mga sundalo at terorista na nasangkot sa engkwentro o kung ano ang dahilan sa barilan.
Dagdag pa ni Gonzales na nasa mabuting kalagayan naman ang mga nasugatang sundalo at nasa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital ang mga ito.
“Ang lahat ng mga yunit ng militar ay nakaalerto habang ang Philippine Army ay patuloy pa rin sa pagtugis sa teroristang grupo,” sabi ni Gonzales.