‘DI naniniwala ang ilang fish retailers na bababa ang presyo ng isda ngayong nalalapit ang Pasko. Ito’y matapos inanunsiyo ng DA na aprubado na ang karagdagang importasyon ng isda.
Kailangang pagkasyahin ni Jen ang P100 budget niya na pambili ng ulam para sa kanilang mag-anak.
Palengke ang kaniyang takbuhan tuwing limitado lang ang pera dahil puwede aniyang tumawad.
Nakabili siya ng ilang piraso ng isdang bangus sa Litex market sa Quezon City.
Adobong paksiw aniya ang kaniyang lulutuin para sa kaniyang pamilya—dahil kahit ilang araw na hindi kainin ay hindi ito masisira at mas lalong sumasarap.
Reklamo niya lalo aniyang nagmamahal ang mga bilihin.
“Sobrang mahal na po, sana bawasan ‘yung presyo, ibaba, kasi ang asawa ko binatog lamang ang hanapbuhay,” wika ni Jen, mamimili.
Aminado ang ilang mga nagtitinda ng isda sa nasabing palengke na mas lalong tumaas ang presyo ng mga isda dahil sa kulang umano ang suplay ngayon.
Ang pang-masang isda na galunggong nga umano ay umaabot na sa P300 kada kilo ang kanilang bentahan.
Bukod pa diyan ang mga isdang karaniwang binibili sa kanila na tumaas din ang presyo.
“’Yung bangus umaabot ng P180 per kilo, naka-ban din po ngayon sa BFAR pinapalaki rin daw ‘yung mga isda, kapag December mas lalong mataas ang kalakal kasi nga at nasho-short ‘yung mga kalakal,” ayon kay Robert, tindero ng isda.
Ang tinderang si Dicky naman ay sinasabi na posibleng iniipit ang suplay ng isda kung kaya’t tumataas ang presyo.
Dahilan kung bakit kailangan din aniya nilang magtaas presyo upang makabawi sa mahal na puhunan.
Una na ring inanunsiyo ng Department of Agriculture na inaprubahan na ang karagdagang importasyon sa isda na makatutulong upang matiyak ang kasapatan ng suplay na magpapababa sa presyo sa merkado.
‘Yun nga lang ay hindi naniniwala ang tinderang si Dicky hinggil dito.
“Hindi po, sa tagal na naming nagtitinda noon lang naman nagmura eh, hanggang tumatagal ay hindi na siya bumaba ng bumaba. So kahit mag-angkat sila ng mag-angkat? Oo, hindi talaga siya bumababa halos tumataas ng tumataas,” ayon kay Dicky, tindera ng isda.
Pero, sinisiguro naman ng ahensiya na makatutulong ang karagdagang importasyon para kahit papaano ay may pagbaba sa presyo nito.
“So, ang inaprubahan was 8,280 metric tons ng mga small pelagic fishes to address the impact of the domestic supply because of the recent typhoons,” saad ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
“’Yun naman palaging expectations natin na makatulong sa pag-depress sa presyo kapag dumating itong mga imported na isda. Ngayon kasi medyo elevated pa rin ‘yung presyo ng isda,” saad ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Batay naman sa monitoring ng Department of Agriculture (DA) ilan sa mga isdang nagtaas presyo ay bangus, tilapia, galunggong at alumahan.
Planong pag-aangkat ng gulay, binawi ng DA
Samantala, sa usapin naman ng suplay ng gulay sinabi naman ng ahensiya na hindi na itutuloy ang plano sanang pag-aangkat ng gulay.
Wala pa kasing nilalabas na rekomendasyon ang Bureau of Plant and Industry (BPI) para sa importasyon.
May mga rehiyon umano kasing maaaring pagkuhanan ng suplay lalo na sa Visayas at Mindanao.