Apugan Cave sa Quezon City, tampok sa isinagawang Community Tour Guiding

Apugan Cave sa Quezon City, tampok sa isinagawang Community Tour Guiding

NAGING matagumpay ang isinagawang pitong araw na pagsasanay sa “Community Tour Guiding” kaugnay sa adhikaing maipakilala sa publiko ang Apugan Cave na matatagpuan sa loob ng La Mesa Watershed Reservation simula nitong Abril 15-23 sa Quezon City.

Higit sa 20 kalahok mula sa DENR National Capital Region, Quezon City Government Climate Change and Environmental Sustainability Department, Disaster Risk Reduction and Management Office, at QC Tourism Department ang lakas-loob at buong pusong nagtapos sa nasabing pagsasanay na pinangasiwaan ng Department of Tourism – Metro Manila, sa pakikipag-ugnayan ng Protected Area Management and Biodiversity Conservation Section ng DENR – NCR.

Layunin nito na mapalawak ang kaalaman at mahubog ang kasanayan ng mga kalahok pagdating sa pagsasagawa ng tour guiding sa loob ng nag-iisang kweba sa Metro Manila na makatutulong sa pagpapaigiting ng turismo rito lalo’t higit kung ito ay opisyal nang mabuksan sa publiko.

Pinasalamatan ni Regional Executive Director Jacqueline A. Caancan ang DOT-NCR sa pagpapaunlak sa imbitasyon ng tanggapan para maisagawa ang pagsasanay. “Inaasahan naming na sa pamamgitan nitong Community Tour Guiding Training ay magkakaroon tayo ng hanay ng mga tour guide na makatutulong sa pagpapakilala ng kweba sa mga taga Metro Manila maging sa iba pa sa labas ng ating rehisyon. Nais din nating hikayatin dito ang aktibong partisipasyon ng publiko na pahalagahan at protektahan ang kweba, gaya ng wastong pamamahala ng mga basura, at iba pa.”

Ang kabuuang pagsasanay, na binubuo ng mga oral presentation, mock tour guide, at pagsusulit, ay binuo ng mga eksperto sa larangan ng kasaysayan, siyensiya at komunikasyon kabilang sina Ms. Bamba Ramos at Ms. Yael Fernandez ng DOT, Mr. Reynaldo Jorda PhD ng Miriam College, Mr. Neil Santillan ng University of the Philippines Diliman, Ms. Rosalyn Molinyawe ng Biodiversity Management Bureau, For. Misael Aquino ng DENR-NCR Enforcement Division, Mr. Ricardo Castillo at Ms. Maria Rizhell Apo ng QC DRRMO.

Inaasahan na maging bahagi ng lupon ng mga DOT accredited community tour guides ng LMWR at Apugan Cave ang mga kalahok na nakapasa sa pagsasanay.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble