IBEBENTA ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang 54 na ari-arian ng mga ipinasarang bangko sa pamamagitan ng electronic public bidding sa Abril 24.
Kabilang sa mga ari-ariang ipapasa-subasta ang 24 na bakanteng agricultural lots; 19 na bakanteng residential lots; limang bakanteng lupa na maaaring pang-residensiyal o pang-agrikultura; apat na residential lots na may istruktura; isang agricultural lot na may istruktura; at isang residential o agricultural lot na may istruktura.
Matatagpuan ang mga ito sa mga lalawigan ng Aklan, Bukidnon, Camarines Sur, Isabela, Palawan, at Quirino.
Tatanggapin ang electronic bids sa e-bidding portal ng PDIC simula 9 A.M. ng Abril 23 hanggang 1 P.M. ng Abril 24.
Pagdating ng 2 P.M. ng Abril 24 ay bubuksan na ang bidding.
Pinaalalahanan ng PDIC ang mga bidder na magsagawa ng masusing pagsisiyasat sa kalagayan at legalidad ng mga ari-ariang nais nilang bilhin.
Samantala, ang mga malilikom na pondo mula sa bentahan ay gagamitin upang bayaran ang mga claim ng mga creditor at depositor ng mga ipinasarang bangko.