TANGHALI ng Enero 9 nang magkaroon ng isang nakakagulat na pangyayari sa headquarters ng TC Television sa Guayaquil, Ecuador.
Isang grupo ng armadong mga lalaki, na natatakpan ng hood ang mga mukha ang pumasok sa lugar at gumawa ng eksena ng pananakot sa mga empleyado.
Puwersahang pinadapa ng mga ito ang mga mamamahayag gamit ang kanilang rifle at nanakot din gamit ang granada.
Maririnig naman ang mga iyak at pakiusap ng mga hinostage na indibidwal upang hindi ito barilin ng mga bandido.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad, 30 minuto matapos ang insidente pinasok ng mga ito ang istasyon at inaresto ang 13 armadong lalaki.
Para sa kaligtasan ng nakararami, ang ibang media outlets sa lugar ay inutusang isara ang kanilang mga pintuan at ang mga empleyado ay inatasang lumikas na para sa seguridad nito.
Ito ay nangyari ilang oras matapos na magdeklara si President Daniel Noboa ng 60 araw na state of emergency kasunod ng pagtakas ng bilanggo na si Jose Adolfo Macias, Alias “Fito” noong Enero 7 na kilalang lider ng pinakamalaking gang sa Los Choneros.
Maraming bayolenteng pangyayari ang naganap sa bansa kasunod ng pagtakas nito at simula nang magpatupad ng state of emergency ay 10 katao na ang nasawi.
Nagpatupad naman ng curfew ang gobyerno bilang parte ng emergency measure at ang presensiya ng militar ay pinaigting para mapanatili ang kaayusan at seguridad sa bansa.