Arnie Teves, arestado na sa Timor-Leste; Extradition, tinatrabaho na

Arnie Teves, arestado na sa Timor-Leste; Extradition, tinatrabaho na

NASA kamay na ng Timorese Police si Ex Cong. Arnie Teves na nahaharap sa patong-patong na kaso ng murder sa Pilipinas dahil sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 4, 2023.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), nahuli ang dating kongresista, 4 pm, araw ng Huwebes habang naglalaro ng golf sa Top Golf Driving Range and Bar sa Dili-East Timor.

Ang pagkakahuli kay Teves sa Timor-Leste ay dahil na rin ayon sa DOJ sa pinagsamang puwersa ng Law Enforcement Unit kasama ang International Criminal Police Organization (INTERPOL) at National Central Bureau (NCB) sa Dili sa pakikipagtulungan ng East Timorese Police.

Matatandaan na bago maaresto si Teves ay naisyuhan ito ng Red Notice sa INTERPOL.

Sa ilalim ng Red Notice, ang lahat ng kasaping bansa ay inaalerto para sa pagdakip ng isang taong pinaghahanap ng batas.

Ayon kay DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla, ang pagkakahuli kay Arnie Teves ay pagpakita lamang na walang terorista ang makakatakas sa batas.

Pagpapakita rin aniya ito ng kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat bansa sa pagbibigay ng seguridad para sa kanilang mga nasasakupan.

“Today’s apprehension of Teves is a testament to the power of international cooperation. It sends a clear message that no terrorist can evade justice and that nations stand united in safeguarding the safety and security of their citizens,” saad ni Sec. Jesus Crispin Remulla, DOJ.

Nagpasalamat din ito sa mga law enforcement unit maging sa mga international counterparts sa tagumpay na operasyon.

Sa ngayon ay tinatrabaho na ng NCB Dili sa pakikipag-ugnayan sa NCB Manila at Dili Philippine Embassy ang extradition ni Teves para maibalik ito sa bansa.

Tiniyak naman ng DOJ na patuloy itong magbibigay ng mga update sa pagbabalik ni Teves sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter