WALANG hospital arrest. Walang special treatment. Ito ang nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) tungkol kay dating Cong. Arnie Teves.
Agad na ibinalik si Teves sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Camp Bagong Diwa sa Taguig kagabi matapos siyang sumailalim sa appendectomy o pagtanggal ng appendix sa Philippine General Hospital (PGH) noong Hunyo 17 ngayong taon.
Habang kasalukuyang nagpapagaling, tiniyak ng DILG na hindi ito nangangahulugang siya’y nasa ilalim ng “hospital arrest.”
“Walang hospital arrest. Wala ring preferential treatment. Lahat ng hakbang ay naaayon sa batas at rekomendasyon ng mga doktor. Hindi siya makakatakas sa hustisya,” ayon kay Sec. Jonvic Remulla, Department of the Interior and Local Government.
Ani Secretary Jonvic Remulla, ang lahat ng aksiyon ay naaayon sa batas at walang sinuman ang makaiiwas sa hustisya.
“We will make sure that Teves will not be able to evade justice,” dagdag ni Remulla.
Dagdag pa ng kalihim, sinusunod ng BJMP ang lahat ng tamang proseso, at hindi pinapayagan ang anumang pag-abuso sa karapatan ng akusado para lamang makaiwas sa kaso.
Sa ngayon, patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa kalagayan ni Teves, habang nakaantabay ang publiko sa magiging susunod na hakbang ng korte.