ARTA, pinaalalahanan ang mga ahensiya ng gobyerno laban sa cut-off, quota systems

NANANAWAGAN muli ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa mga ahensiya ng gobyerno na itigil na ang pagpapatupad ng cut-offs at quota system at istriktong sundin ang no-noon break policy sa kanilang mga transaksyon bilang pagtalima sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business.

Ito ay matapos makumpirma ng ARTA na may 3 PM cut-off system sa Registry of Deeds (ROD) sa kabila na 8 AM hanggang 5 PM ng opisyal na working hours nito.

Ayon sa ARTA, paglabag ito sa Section 21 (f) ng R.A. 11032, partikular na sa “failure to attend to applicants or requesting parties who are within the premises of the office or agency concerned prior to the end of official working hours and during lunch break” kung saan ito ay may pataw na kaparusahan sa batas.

“Kung kailangan hong mag-overtime, mag-overtime, then let us make the necessary adjustments. Otherwise po, hindi po tayo mapipilitang mag-automate at magdagdag ng tao. Ang nangyayari ho kasi, yung tao ang nag-aadjust sa atin sa gobyerno. Hindi ho pwede yun,” pahayag ni Belgica.

Nakatanggap din ang ARTA ng reklamo kaugnay sa quota system na nangyayari sa Land Transportation Office (LTO) sa Taguig.

Ayon pa sa ARTA, hindi dahilan ang pagbawas sa physical contact sa mga opisina upang ipatupad ng mga ahensiya ang cut-off at quota system sa panahon ngayong ng krisis.

Dahil dito, nanawagan ang ARTA sa ROD Manila at LTO Taguig, at lahat ng mga ahensiya ng gobyerno na pag-igihan ang kanilang pagproseso sa mga aplikasyon ng publiko.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng ARTA ng mga surprise inspection upang mamonitor ang pagtalima ng mga ahensiya ng pamahalaang nasyunal at sa mga lokal na pamahalaan sa probisyon ng R.A. 11032.

SMNI NEWS