ASEAN Airlines Operators Council may rekomendasyon vs power outage sa MIAA

ASEAN Airlines Operators Council may rekomendasyon vs power outage sa MIAA

NAGLATAG ng mga rekomendasyon sa Manila International Airport Authority (MIAA) ang Asean Airlines Operators Council (AAOC), itoy upang hindi na maulit ang nangyaring 7 oras na power outage sa NAIA 3, tiniyak naman ng MIAA na hindi na mauulit ang aberya ng kuryente sa paliparan.

Nakikita ng AAOC na kulang sa pagpaplano sa distribusyon ng load ng kuryente sa NAIA Terminal 3.

Inirerekomenda ng AAOC na dapat isinailalim sa management at maintenance ang airport equipments partikular na ang generator sets at x-ray machines.

Ito’y upang maiwasang maulit ang nangyaring 7 oras na power outage sa NAIA Terminal 3.

Ayon sa AAOC, lumalabas kasi na ang nangyari sa NAIA 3 ay discharged ang baterya ng generator sets kaya hindi ito nagamit nang mawalan ng suplay ng kuryente sa paliparan.

Dapat din aniyang palitan nang maaga ang may mga luma nang pasilidad sa airport at huwag nang hintayin na magkaaberya ito o masira bago pa palitan.

Kapag masira ang ano mang pasilidad sa paliparan ay mahaba ang proseso bago makabili ng kapalit nito.

Mas marami kasing airlines ang nag-ooperate sa NAIA 3 kaya dapat anila magkaroon ng maayos na distribusyon ng elektrisidad upang maiwasan ang aberya.

Samantala, aminado naman si MIAA General Manager Cesar Chiong na nasa MIAA ang problema ng pag-aberya ng kuryente.

Ayon kay Chiong, hindi kinaya ng generator ang load ng kabuuang pasilidad sa paliparan.

Ibig sabihin nasa 30-40 % lamang ang load o kapasidad ng generator para mabigyan ng kuryente ang paliparan.

Kaya naman ani pa ni Chiong ginagawa na nila ng paraan para hindi na maulit ang naturang aberya.

“Were asking the board some funds kasi hindi naman siya nakabudget were asking the board to do the following, ‘yung repair works na kailangan sa substation, papalitan namin ang mga kailangan palitan, that’s number one, number two ‘yung mga tinatawag na cool electrical and technical audit ng system natin,” pahayag ni Chiong.

Matatandaan nagsimula ang aberya sa kuryente sa NAIA noong nakaraang  Biyernes ng alas 11:00 ng gabi hanggang alas 6:00 ng umaga ng Sabado.

Bunga nito, ayon kay Chiong, umabot sa 28 flights ang na-delay na umabot sa mahigit isang oras habang 8 naman ang nakanselang flights na na-accommodate naman sa loob ng 24 oras ang 6 na flights at ang iba ay dinala sa malapit na hotel ng paliparan.

Pinag-aaralan na rin ng MIAA kung dapat bang i-upgrade ang mga equipment sa NAIA Terminal-1 upang tiyakin na hindi na mauulit ang insidente.

“This terminal was designed a few years, di ba matagal na kasi ito, so yung design niya medyo matagal na, kaya titingnan natin how it na ma-upgrade it, we can modernize it, and that’s what we are going to discuss it with the board and then once we gave me the approval then will let the people know these are the steps that we are doing. Pero for the meantime ginagawa naman po namin ang lahat ng magagawa namin para hindi na maulit ‘yun,” ani Chiong.

Aminado si Chiong ang problema sa generator ay sa nakaraang management pa bagay na hindi niya kaagad tiningnan simula nang maupo ito bilang GM sa 8 linggo.

Follow SMNI NEWS in Twitter