IPINAGDIINAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kahalagahan ng mas mahusay na mga Labor Market Information Systems (LMIS) upang matugunan ang kakulangan sa kasanayan sa gitna ng mga pagbabago sa ekonomiya, partikular na sa green at digital transition, sa rehiyon ng ASEAN.
Ito ang mensahe ni Employment ajnd Human Resource Development Cluster Undersecretary Carmela Torres sa pagbubukas ng tatlong araw na LMIS workshop kasama ang mga miyembro ng ASEAN, mga internasyonal na organisasyon, at mga development partners nitong Martes.
Pinangunahan ng DOLE ang aktibidad, na nagpapakita ng kanilang patuloy na pangako sa pagpapalakas ng pagpapaunlad ng kasanayan para sa mas magagandang trabaho at mas maraming pagkakataon sa pagtatrabaho para sa mga manggagawa sa Pilipinas.
Ang LMIS ay mahalaga para sa pangangalap, pag-ipon, at pag-aanalisa ng data upang suportahan ang paggawa ng matalinong desisyon sa iba’t ibang stakeholder.
Ang mga sistemang ito ay tumutulong na matukoy ang mga kasalukuyang kakulangan sa kasanayan, hulaan ang mga pangangailangan sa kasanayan sa hinaharap, at mapadali ang koordinasyon sa pagitan ng mga stakeholder sa pampubliko at pribadong sektor.
Isa sa mga pangunahing highlight ng workshop ay ang paglulunsad ng regional mapping of labor market information for skills and employment policies in ASEAN member states, isang proyekto na naglalayong ipakita kung paano maaaring hubugin ng LMIS ang mga patakaran at programa sa paggawa.