ITITIGIL agad ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapabakuna ng mga baboy kontra African Swine Fever (ASF) kung makikita nilang hindi ito epektibo.
Mapapansin na ang controlled vaccination ay isinagawa na sa Lobo, Batangas upang mapigilan ang paglala ng ASF outbreak doon.
Nauna namang hindi pinaboran ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang planong mass vaccination ng mga baboy kontra ASF.
Sa paliwanag ng grupo, ang ginagamit ng bansa na bakuna ay hindi pa aprubado ng World Organization for Animal Health.
Sa katunayan, ni isang ASF vaccine ay wala pang approval mula sa nabanggit na intergovernmental organization.
Kahit na nais din nilang isali sa vaccination ang ibang lugar sa bansa na may naitalang ASF outbreak, mas mainam ayon sa SINAG na antayin na muna ang anim na buwan para makita ang resulta sa controlled vaccination na ginawa sa Lobo, Batangas.
Kung matatapos na anila ang anim na buwan at maganda naman ang resulta ay sasang-ayon na ang grupo sa mass vaccination.