AstraZeneca vaccine patuloy na gagamitin ng bansa laban sa COVID-19

PATULOY na gagamitin ng bansa ang AstraZeneca vaccine laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kabila na sinuspendi na ang pagamit nito sa mga bansa sa Europa.

Ito’y matapos maiulat na nagkakaroon ng blood clots ang mga indibidwal na nabakunahan sa nasabing COVID-19 vaccine.

Pareho namang nagpalabas ng kanilang pahayag ang Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) kung saan kanilang sinuportahan ang katayuan ng European Medicine Authority (EMA) na nakalalamang ang benepisyong nakukuha sa AstraZeneca vaccine kaysa sa panganib nito.

Naiulat na ilan sa mga bansa sa Europa ay itinigil ang paggamit ng AstraZeneca vaccine habang isinagawa ang imbestigasyon upang matukoy kung may kinalaman ang nasabing bakuna sa blood clots.

“At present, the DOH and FDA emphasize that there is no indication for the Philippines to stop the rollout of AstraZeneca vaccines,” ayon sa pahayag ng dalawang ahensiya.

Tiniyak naman ng pamahalaan na masinsinang nakamonitor ito sa lahat ng mga naka-deploy na bakuna sa bansa.

Kabilang sa mga bansang itinigil ang paggamit ng AstraZeneca vaccine ang Denmark, Iceland, at Norway habang iniimbestigahan pa ang kaugnayan ng bakuna sa blood clots na ikinasawi ng isang indibidwal sa Denmark.

Ayon naman sa EMA, wala pang indikasyon na ang AstraZeneca ang dahilan ng blood clots at hindi rin ito nailista bilang side effects ng bakuna.

“The position of EMA’s safety committee PRAC (Pharmacovigilance Risk Assessment Committee) is that the vaccine’s benefits continue to outweigh its risks and the vaccine can continue to be administered while investigation of cases of thromboembolic events is ongoing,”ayon sa pahayag ng EMA.

(BASAHIN: 487,200 AstraZeneca COVID-19 vaccines, dumating na sa bansa)

SMNI NEWS