UPANG mas lalong maging mabilis ang pag-unlad ng agrikultura sa Ilocos Region, tututukan ngayon ng Agriculture Training Institute (ATI) ng rehiyon ang pakikipag-ugnayan sa mga LGU at National Government Agencies.
Hindi kakayanin mag-isa ng ahensiya ang lahat ng paraan sa pagtulong sa mga magsasaka kaya naman plano ng bagong talagang Officer in Charge Center Director ng ATI-Ilocos Region na si Dr. Jayvee Bryan Carillo ang pakikipag-partner sa mga local government units (LGUs) at national government agencies.
Sa panayam ng SMNI News, inilahad ito ni Carillo at sinabing ang magandang oportunidad ito sa kaniya na makapagbigay-serbisyo sa Region 1 ay mula sa kaniyang karanasan noong assistant director pa siya ng ATI-Region 3.
Aniya mahalaga ring makipag-ugnayan sa mga magsasaka dahil sila rin ang magiging susi upang maibaba ang programa, kabilang na ang teknolohiya ng Department of Agriculture (DA).
“Kailangan pa rin i-capitalize natin ang ating partnership with local government unit, at siyempre i-tap natin ang ating mga progresibong magsasaka, kasi ang mga magsasaka na ‘yan ay nandoon na po sa mga kanayunan, at sila ‘yung magiging strong partner natin, pagdating doon sa pagkumbinse, pag-persuade sa iba pang magsasaka na itong mga teknolohiyang dala ng Dep’t of Agriculture ay kapaki-pakinabang at magdadala ng pagbabago sa kanilang kabuhayan. At later, kapag tiningnan natin, sinuma natin, ano bang outcome nito, ano bang resulta natin, lahat naman, buong Pilipinas ay makikinabang kapag pagdating sa ganito,” pahayag ni Dr. Jayvee Bryan G. Carillo, OIC, Center Dir., ATI-Ilocos Region.
Tiniyak ni Carillo na tuluy-tuloy pa rin ang mga training na isasagawa ng ATI sa mga susunod na buwan.
At plano ng ATI-Region 1 na isama na sa lahat ng mga libro at iba pang information, education and communication materials ang mga pamamaraan upang maka-survive ang isang magsasaka sa panahon ng tag-tuyot o El Niño.
Samantala, kabilang na sa itutuloy na programa ng ATI-Ilocos Region ang scholarship at pagpapadala ng mga young farmer sa ibang bansa gaya ng Japan at Taiwan para magsanay ng pagsasaka roon.
Ani Carillo, malaking bagay ito upang mai-apply ng mga young farmer na ito ang kanilang mga natututunan sa ibang bansa dito sa ating bansa.
Tiniyak din ni Carillo na bukas ang kaniyang tanggapan para sa anumang tulong na kayang maibigay ng ATI.
“Ang aking opisina po ay laging bukas ano, dito po sa Sta. Barbara, Pangasinan kung anuman ang kailangan ng ating magsasaka na kayang ibigay ng Agricultural Training Institute base po sa aming mandato ay nandidito kami para magbigay tulong po sa ating mga kababayan,” ayon pa kay Dr. Carillo.
Tuluy-tuloy rin aniya ang programa ng ATI para sa mga kabataan patunay rito ang katatapos lang na Region 1 Youth Camp kung saan ipinakita ang angking galing ng mga kabataan sa iba’t ibang larangan.
Inaasahan naman ang pagdalo ni Vice President at Department of Education Sec. Sara Duterte bilang keynote speaker sa darating na learning site for Agriculture Summit 2024 sa Abril 29-30.