SA isang ambush interview, hapon ng Huwebes, March 16, 2023, personal na nanawagan si Atty. Harry Roque kay Negros Oriental 3rd District Congressman Arnie Teves na magbalik bansa na ito sa lalong madaling panahon.
Pabiro pa nitong sinabi na “umuwi ka na klasmeyt” matapos na mapag-alaman na magkasabay sila ni Teves na sumabak sa kanilang unang pagtungtong sa Kongreso.
Naniniwala si Roque na hangga’t walang itinatago o kasalanan ang isang tao, malaya nitong haharapin ang anumang alegasyon na ipinupukol laban sa kaniya.
Sa ngayon, nananatili pa ring nasa ibang bansa si Arnie Teves habang patong-patong na kaso na ang isinampa ng PNP at NBI sa kaniya dahil sa ilang isyu ng krimen at illegal possession of firearms.
Sa halip, nanindigan ang kampo ni Teves na humingi ng 2 buwang extension para manatili sa Amerika.