NAGLABAS na ng pahayag si Atty. Mike Toledo kaugnay ng pag-ugong ng kanyang pangalan na papalit sa posisyon na press secretary ng Marcos administration.
Sa ginanap na 2022 DENR Multistakeholder Forum sa Maynila, nakapanayam ng mga mamamahayag si Atty. Mike Toledo at natanong kung mayroong Malacañang official na kumausap sa kanya ukol sa alok na posisyon na press secretary.
Kaugnay nito, hindi kinumpirma ni Toledo kung may natanggap itong formal offer mula sa Malakanyang, aniya, wala siya sa posisyon na magsalita hinggil dito.
Gayunpaman, sakali mang magkaroon ng alok, ani Toledo, willing siya na magsilbi sa ilalim ng Marcos administration at sinabing isang pribilehiyo ito.
Si Toledo ang head ng Government Relations and Public Affairs ng Metro Pacific Investments Corporation.
Nagsilbi na ring press secretary si Toledo sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Bukod kay Toledo, kabilang sa mga personalidad na matunog na nasa shortlist na magiging susunod na press secretary sina Gilbert Remulla, Transportation Undersecretary Cesar Chavez at direktor na si Paul Soriano.