SINABI ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na matagal nang planado ng Kamara ang pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte.
“Matagal na po iyan, planado na iyan. Planadong-planado na iyang impeachment. Mula’t sapul eh ang talagang tungkulin, naging tungkulin na nila na i-file ang impeachment kasi the inordinate desire, uncontrollable obsession, and passion to destroy the reputation, the integrity of the Vice President is so consuming na talagang hindi nila mapigilan na kahit ang taumbayan ay nagsalita na,” ayon kay Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Inaasahan na ito ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na pipiliting mailusot sa Kamara ang impeachment complaint laban kay VP Sara.
Ito ay dahil aniya sa kagustuhan ng iilan na pigilan ang pagtakbo ng pangalawang pangulo sa 2028 presidential elections.
Napansin ni Panelo ang panggigipit kay VP Sara simula nang kuwestiyunin ang confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at ng Department of Education noong siya pa ang kalihim nito.
Pero kung pag-uusapan ang basehan ng inihaing impeachment laban sa bise, tugon ni Panelo…
“Kung titignan mo ‘yung mga grounds, walang basis. Sabi nila betrayal of public trust, serious of grave allegations including conspiracy to assassinate. Sus maryosep,” gulat na pahayag ng abogado.
Mula nga sa higit tatlong daang miyembro ng Kamara, mahigit 200 dito ang lumagda para suportahan ang nasabing impeachment complaint.
At ang mga bumoto pabor dito ay tila aniya hindi naunawaan ang isinagawang National Peace Rally noong nakaraang buwan para tutulan ang hakbang na pagpapatalsik kay VP Sara.
“Hindi nila alintana ‘yung tinig ng Pilipino. Hindi sila natakot sa Iglesia ni Cristo na nanguna sa pagkontra. In support to the President. Hindi rin nila pinakinggan si Presidente Marcos, Jr. Pati ‘yung anak. hindi sila naniniwala na ang mga Pilipino eh lalabas sa kalsada at parurusahan sila. Ngayong nag-adjourn na ang Kongreso, posibleng sa pagbabalik na sa Hunyo ngayong taon matatalakay ang article of impeachment laban kay VP Sara sa Senado na siyang tatayong impeachment trial court,” pahayag pa ni Panelo.
“Ang ikukunsidera dyan, ang boto ng mga senador. So, kahit maganda ang ebidensya mo, maganda ang defense mo, it doesn’t matter, numbers game po iyan. Kaya kung sino ‘yung mga senador doon maglalabanan. Kaya kita mo iyan sa Corona walang ka ground-ground ang pagpapa-impeach pero kita mo,” aniya pa.
Pinaalalahanan naman ni Panelo ang mga mambabatas na sa kasaysayan ng bansa may hangganan ang pasensiya.
“Tandaan po ninyo ang kasaysayan ng ating bayan habang totoo na pasensyoso tayo may hangganan ang pesensya natin. Tandaan ninyo, kayong mga nandyan sa Kongreso, kayong mga nakahawak ng kapangyarihan, palagi ninyong tatandaan yung kasabihan sa wikang ingles. “whom the gods wish to destroy, they first make mad,” makahulugang pahayag ng batikang abogado.