MAY paalala si dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo sa mga mambabatas sa Kamara.
“’Yan kasi ang problema sa inyo, nagkukunwari-wari pa kayo, talagang gusto niyo lang i-impeach.”
“Naku, maniwala kayo, ‘pag ginawa niyo iyan, the clock will kick and it’s the beginning of your end,” pahayag ni Atty. Salvador Panelo, Dating Chief Presidential Legal Counsel.
Kasunod ito ng patuloy na panggigipit kay Vice President Sara Duterte sa usapin ng paggastos ng pondo ng Office of the Vice President (OVP).
Nitong Miyerkules, Setyembre 18, 2024, matatandaang nagsagawa ng pagdinig in-aid of legislation ang House Committee on Good Governance and Public Accountability sa naturang isyu.
Sa simula pa lang ng pagdinig ay tumanggi nang manumpa si VP Sara dahil resource person lang aniya ang kaniyang imbitasyon at hindi witness.
Sa rules ng Kamara, witness lamang ang inoobliga na manumpa sa harap ng komite.
Sa naging mensahe naman ni VP Sara, binigyan-diin nito na politika ang dahilan ng mga imbestigasyon ng Kamara sa kaniyang tanggapan.
Hindi rin aniya isyu dito ang pondo dahil ang tunay na pakay ng imbestigasyon laban sa kaniya ayon sa pangalawang pangulo ay impeachment.
Bagamat hindi naman nagtagumpay ang Kamara na gisahin si VP Sara, inaasahan ni Atty. Panelo na magpapatuloy pa ang pag-atake sa pangalawang pangulo.
“Sa mga kababayan natin, huwag kayong umasa na titigil ‘yang mga iyan. Itutuloy pa rin nila iyan, maniwala kayo. They will pursue their evil scheme,” ani Atty. Panelo.