Atty. Roque, naghain ng substitution of candidacy bilang senador para sa 2022 elections

Atty. Roque, naghain ng substitution of candidacy bilang senador para sa 2022 elections

INIHAIN na ni former Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang kanyang substitution of candidacy sa pagkasenador para sa 2022 elections ngayong huling araw ng filing ng withdrawal at substitution ng mga aspirant.

Sa palace briefing ngayong Lunes, kinumpirma ni Roque na ito na ang pinakahuling araw niya bilang tagapagsalita ng pangulo at sasabak siya muli sa pulitika.

“Ito na po ang huling araw na makakasama ninyo ako bilang inyong Presidential Spox, IATF Spox at Spox ng bayan….babalik po tayo sa larangan ng pulitika, babalik po tayo sa Kongreso ng Pilipinas, doon po sa Kamara ng Senado,” ani Roque.

Pasado alas-dos ng hapon, inihain ni Roque ang kanyang substitution of candidacy bilang senador sa Commission on Elections (COMELEC).

“Nagpaalam na ako kay Presidente Rodrigo Roa Duterte at kay Mayor Inday Sara Duterte para sa panibagong hamon na aking haharapin mula sa inyong pagiging spox ay nais ko pong maging action man sa senado,”saad ng dating palace official.

Tatakbo si Roque sa ilalim ng Peoples’ Reform Party (PRP) at pinalitan si Paolo Martelino na pormal na nag-withdraw ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) ngayong araw.

Founder ng PRP ang yumaong si Senator Miriam Defensor Santiago.

Matatandaang una ng inihayag ni Roque na nakasalalay ang pagtakbo niya sa senado sa magiging desisyon ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagtakbo sa national post.

“Sabihin na lang natin na dahil nga ako ay nagkaroon ng isang salita na tatakbo lang ako kung tatakbo si mayor Sara, eh tumakbo na po si mayor Sara, kinakailangan panindigan din ang ating nasabing salita,” ani Roque.

Saad ni Roque, sa kanyang pagtakbo bilang senador nais niyang matiyak ang full implementation ng Universal Health Care (UHC) Law at isulong ang livelihood sa bawat mamamayang Pilipino.

Samantala, kinumpirma rin nito na nakausap na niya si mayor Sara hinggil sa kanyang desisyon na pagsabak sa senatorial race.

Sa bandang huli ng Malacañang briefing, ipinakita ang isang video message ng Davao City mayor na nag-eendorso kay Roque sa senate bid nito para sa 2022.

“Si Harry Roque, ang ating Palace Harry Roque will be our man of action in the senate. Ibigay natin ang todo at buong suporta sa kanyang kandidatura. We will see you in the senate senator Harry Roque,” banggit ni Mayor Sara.

Nagsasagawa naman ng caravan si Roque kasama ang supporters nito sa bahagi ng Maynila patungong COMELEC.

SMNI NEWS