SUPORTADO ni Atty. Salvador Panelo ang naging desisyon ng Korte Suprema na tuluyang wakasan ang “second placer rule” — ang patakaran kung saan ang kandidatong pumangalawa sa halalan ay maaaring maupo sa posisyon kung madiskwalipika ang nanalong kandidato.
Bagamat ipinahayag ni Panelo ang panghihinayang na Abril pa sana ay naisapinal na ang desisyon, aniya, mas mabuti nang huli kaysa kailanman ay hindi ito inilabas sa publiko.
“Nung lumabas iyan noon pa, marami na sanang kalakaran involving ‘yung mga ganong questions sa election ang hindi na nangyari. Kasi ‘yung naging desisyon ng Korte Suprema na ‘yung second placer ang mag-aassume ng posisyon nung na-disqualify ay sa totoo lang, marami ang tumutuligsa doon sa ruling na ‘yun,” ayon kay Atty. Salvador Panelo.
Ipinaliwanag ni Panelo na matagal nang kinukuwestyon ang legalidad ng second placer rule. Bago pa man lumabas ang ilang pansamantalang desisyong pumabor dito, mariin na itong tinutulan sa ilang naunang jurisprudence ng Korte Suprema.
“Mula’t sapul, marami nang desisyon ang hindi sila pumayag na ‘yung second placer ang mag-aassume, kasi sinasabi ng Korte Suprema noon, bago napalitan ng doktrinang puwedeng second placer, ay meron tayong rule on succession. Ang batas sinasabi, pag ang isang posisyon ay nabakante dahil sa nagbitiw sa tungkulin o kaya naman namatay, o kaya naman nadisqualify, ano mang ligal na dahilan, ang mag-aassume—kung ikaw ay gobernador, bise gobernador; kung ikaw ay mayor, ay bise alkalde; at kung kongresista ka naman, declared vacant ‘yan, magkakaroon ka ng special election,” saad ni Panelo.
Ayon pa sa kanya, ang pagbibigay ng posisyon sa second placer ay taliwas sa prinsipyo ng demokrasya, dahil hindi siya ang pinili ng sambayanan.
“At ‘yung second placer ay hindi gusto ng mga botante. ‘Yung na-disqualify, yun ang gusto nila eh, yun ang pinanalo nila. Yun ang ating tinatawag na democratic vote—kung sino ang magkakamit ng pinakamaraming boto, siya ang mangunguna, at siya ang gusto ng taumbayan,” dagdag nito.
Sa huli, ikinatuwa ni Panelo ang pagbabalik ng Korte Suprema sa orihinal nitong pananaw—na dapat sundin ang rules on succession na nakasaad sa batas.
Matatandaang isa sa mga kasong ginamitan ng second placer rule ay ang pagkakatalaga ng Commission on Elections (COMELEC) kay Benny Abante bilang kinatawan ng ika-anim na distrito ng Maynila, kapalit ni Joey Uy na nadiskwalipika dahil sa isyu sa citizenship.
Ngunit sa pagbasura ng Korte Suprema sa doktrinang ito, malabo na ang pag-upo ni Abante sa naturang puwesto.