Australia, muling nanawagan sa US na wakasan na ang kasong kinakaharap ni Julian Assange

Australia, muling nanawagan sa US na wakasan na ang kasong kinakaharap ni Julian Assange

MULING nanawagan ang Australia sa Estados Unidos na wakasan na ang kasong kinakaharap ni Julian Assange.

Inihayag ni Australian Prime Minister Anthony Albanese na hiniling niya kay U.S. Pres. Joe Biden na wakasan na ang kaso na kinakaharap ng Australian citizen at Wikileaks founder na si Julian Assange.

Ang komento ni Albanese ay kasunod ng diplomatic pressure ng bansa sa Estados Unidos na tanggalin na ang spy cases na kinakaharap ng 51-taong gulang na Australian na ngayon ay lumalaban sa extradition mula sa Britanya.

Ayon kay Albanese, wala siyang simpatya sa mga ginawa ni Assange pero ito ay Australian citizen at wala namang patutunguhan kung pahahabain pa ang ligal na aksyon dito.

Hindi naman nilinaw ni Albanese kung nakiusap siya nang harapan kay Biden nang magkita ito sa sidelines ng ASEAN Summit sa Cambodia 2 linggo na ang nakararaan.

Pero sinabi ni Albanese na isinusulong niya ang karapatan ni Assange sa mga nakalipas na bilateral meetings nito.

Ikinumpara ni Albanese ang sitwasyon ni Assange kay dating U.S. Army Intelligence Analyst na si Chelsea Manning na inihayag ng prime minister na malaya nang nakakagalaw sa Estados Unidos.

Matatandaan na pinagsususpetyahan ng US Prosecutors na tinulungan ni Assange si Manning na nakawin ang classified diplomatic cables at military files na kalaunan ay nilathala sa Wikileaks.

 

Follow SMNI News on Twitter