HINILING ng asawa ng Australian adviser na si Sean Turnell na kasalukuyang nakakulong sa Myanmar na pauwiin na ito sa Australia.
Si Turnell na key adviser ng napatalsik na si Aung San Suu Kyi ay nakakulong ng mahigit limang buwan sa Insein Prison sa Yangon.
Ang Australian adviser ang unang dayuhan na naaresto kasunod ng February 1 coup.
Ayon sa Junta, nilabag ni Turnell ang official secrets laws ng bansa.
Sinabi rin ng asawa ni Turnell na si Ha Vu, nakaranas na ng cold at flu symptoms ang asawa nito ng ilang linggo at nanganganib itong mahawaan ng Delta variant na nananalasa sa nasabing kulungan.
Ayon pa kay Ha Vu, nais rin ni Turnell na makita ang ama nito na na-diagnose ng cancer.
Nanawagan din ang Australian government para sa kalayaan ni Turnell upang makabalik na ito sa kanyang pamilya.
“Australia continues to seek his immediate release and official information about the reasons for his detention both in Myanmar and through [its] embassy in Australia,” ayon sa Department of Foreign Affairs and Trade ng Australia.
“We call on the military regime to allow Professor Turnell to return to his family in Australia.”
Maliban kay Turnell, may dalawa pang Australian ang kasalukuyan ding nakakulong sa Myanmar noon pang buwan ng Marso.
Pinaniniwalaang nasa ilalim ng house arrest ang nasabing mga Australian.
Samantala, kinondena ng mga western country ang nangyaring karahasan sa nasabing bansa habang sinuspinde naman ng Australia ang pakikipagtulungan nito sa militar sa Myanmar.
Sa kabila ng kaguluhan, nakakaranas ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang bansang Myanmar.
Sa opisyal na bilang, umabot na sa 229,521 kaso ng COVID-19 ang bansa na may 5,000 ang nasawi sa nasabing sakit.
Sinabi ni Min Aung Hlaing, pinuno ng militar, may isang donor na hindi niya pinangalanan ang nagkaloob ng pondo para sa pagpapatayo ng isang planta ng oxygen.
Aniya, tatapusin ang konstruksyon ng nasabing oxygen plant sa loob ng isang buwan.
“There is enough oxygen in the country. Some people bought oxygen as they are worried,”
“I want to tell the people not to be afraid or fear,” ayon kay Military Chief Min Aung Hlaing.