Australian minister, pinasaringan ang China ng pangingialam sa election

Australian minister, pinasaringan ang China ng pangingialam sa election

ISANG senior Australian minister ang nag-akusa sa China ng pangingialam sa nalalapit na federal election sa bansa dahil umano sa pagpirma nito ng kontrobersyal na security deal sa Solomon Islands sa kasagsagan ng election campaign.

Sa isang talumpati, pinasaringan ni Australian Home Affairs Minister Karen Andrews ang China na sa pamamagitan ng pagpirma sa kasunduan, pinipilit umano ng Beijing na pakialaman ang re-election ng liberal party sa ilalim ng pamumuno ng kasalukuyang prime minister na si Scott Morrison.

Inakusahan din ng senior minister na nais ng Beijing na ipapanalo ang center left labor party sa May 21 election na malaking karibal nito sa partido.

‘’Beijing is clearly very aware that we’re in a federal election campaign here at the moment. Why now, why right in the middle of a federal election campaign, is all of this coming to light? I mean we talk about political interference and that has many forms,” ayon kay Home Affairs Minister Karen Andrews.

Samantala, ayon kay Jim Chalmers, isang senior labor lawmaker, hindi umano posible na ginagamit ng China ang Solomon Islands deal para impluwensyahan ang eleksyon sa Australia dahil ang mga residente ng bansa naman ang magdedesisyon sa eleksyon.

‘’Even by the incredibly low standards of this government, I thought what Karen Andrews said was remarkably desperate and remarkably unhinged. The Australian people will determine who wins this election,’’ saad ni Jim Chalmers, Federal Labor MP.

Inakusahan naman ng labor party ang gobyerno ni Morrison sa malaking kabiguan umano ng foreign policy nito sa Pacific mula noong World War 2 dahil nabigo itong pigilan ang pagpirma ng Solomon Islands at China sa isang kasunduan noong nakaraang linggo.

Ginawa naman ni Andrews ang pahayag na ito kasabay ng nagpapatuloy na tensyon na namumuo sa pagitan ng Australia at China sa Indo-Pacific Region.

Follow SMNI NEWS in Twitter