NAKARATING na sa komite ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang umano’y “Ayuda Scam” sa Davao del Norte at Davao de Oro.
Si Davao del Norte Gov. Edwin Jubahib ang sumulat kay Sen. Dela Rosa para imbestigahan ito noong Nobyembre 2023.
Sa liham nito sa senador, 60 na residente ng Davao del Norte ang umano’y biktima ng scam habang pito naman sa Davao de Oro.
Ang pang-iiscam, ginagawa umano pagkatapos matanggap ng benepisyaryo ang ayuda at dadalhin sa isang lugar ang biktima.
Kapag nakatanggap ito ng P5-K mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay kakaltasan ito ng P4-K at iiwanan lang ito ng P1-K.
Lumalabas na ang iba ay susundan sa kanilang mga bahay para doon kumpiskahin ang kanilang pera.
Maliban sa AICS na programa ng DSWD, ay nagagamit din sa scam ang ayuda mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Lumabas sa pagdinig na local officials ang sangkot sa pang-iiscam.
Isa sa mga biktima ng ayuda scam, namatay umano dahil sa stress
Isa sa mga humarap sa hearing ay si Beverly kung saan ang kaniyang kapatid na babae na may epilepsy ay namatay dahil sa stress matapos itong bawian ng ayuda.
Paglalahad ni Beverly, pagkatapos nila matanggap ang ayuda ay sinundan mismo sila ng kanilang brgy. chairman sa kanilang bahay para kolektahin ang kanilang payout.
Isa naman sa lumantad pa ay si Mon Mon na dahil sa banta sa kaniyang buhay kaya ito tumestigo.
Ayon kay Mon Mon na nagpapakilalang dating staff ni Davao del Norte Vice Gov. De Carlo “Oyo” Uy ay napag-utusan na mag-recruit ng mga benepisyaryo at magkaltas ng kanilang payout sa ilalim ng AICS at TUPAD program.
Ang pera nireremit niya sa staff ni Oyo.
Ayon pa kay Mon Mon, na daan-daang libong pera na ang nakaltas niya mula sa payout ng mga benepisyaryo.
Pero ang alegasyon nito at ng isa pang kasama ni Mon Mon sa hearing ay itinanggi ng bise gobernador.
Isa pang witness ay si Myla na nakatanggap naman ng 10,000 na educational na Assistance pero kinuhanan ng 9,000.
Samantala, dahil sa nabunyag sa pagdinig, inihayag ni Minority Leader Koko Pimentel na ang political issue sa Ayuda Scam ay hindi na totoo.
Naniniwala rin sina Sen. Dela Rosa at Sen. Bong Go na dapat nang matumbok kung may sindikato sa likod nito.