Bacolod City, magbubukas ng 40 vaccination centers

MAGBUBUKAS ang Bacolod City ng 40 vaccination centers na magsisilbi sa mga residente ng lungsod na babakunahan kontra COVID-19.

Ito ang inanunsyo ni Mayor Evelio Leonardia kasabay ng paalala sa kahalagahan ng bakuna lalo na sa gitna ng pandemya. 

Sinabi ni Mayor Evelio Leonardia, “kinakailangan na ang mga residente ay maging bukas sa pagpapabakuna.” Layunin ng lungsod na mabakunahan ang 424,992 residente o ang 68 percent ng kabuuang populasyon.

Sa kabilang banda, ang nalalabing 32 percent naman ay binubuo ng mga labing walong taong gulang pababa, na siyang hindi maaring bakunahan.

Bukod dito, dagdag pa ni Leonardia na kapag ang programa ay paiigtingin, maaaring magkaroon ng daily maximum target na 500 bakuna ang magagamit sa bawat vaccination centers para sa tinatanyang 20,000 indibidwal. Sa bagong ulat naman ng alkalde, mayroong dalawang panibagong kaso ang lungsod, isa ay naka- recover na at zero naman para sa bagong naitala na nasawi simula Pebrero 28, 2021.

Simula Marso 1 hanggang 31, 2021 ipapatupad na ni Mayor Evelio Leonardia ang Executive Order No. 11 Series of 2021 ang Extending the Modified General Community Quarantine o MGCQ sa lungsod ng Bacolod.

Sa ngayon umabot na sa 5,827 ang kaso at 66 rito ay aktibo sa COVID-19. Ang Lungsod ng Bacolod ang pinaka preparado na may rating na 75.9 percent, sinundan ng Capiz na may 53.4 percent at Lalawigan ng Iloilo na may 43 percent.

Ayon sa datos ng Department of Health 6 – Western Visayas, ang lungsod ng Bacolod ang pinakahanda sa lahat ng mga lungsod at lalawigan sa rehiyon, base sa mga COVID-19 vaccination plans na kanilang sinumite.

SMNI NEWS