Baekhyun ng EXO balik-Maynila para sa ‘Reverie’ world tour

Baekhyun ng EXO balik-Maynila para sa ‘Reverie’ world tour

BACK to Manila na nga ulit ang isa sa mga miyembro ng sikat na boy band na EXO—ito ay walang iba kundi si Baekhyun!

Sa kaniyang X account, ibinunyag ni Baekhyun noong Miyerkules ang pagbabalik niya sa Manila para sa kanyang paparating na “Reverie” world tour.

Nag-update din ang K-pop singer sa mga petsa at lugar ng kaniyang concert, kung saan isa sa mga pagtatanghal ay gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Oktubre 18.

Matatandaang bumisita si Baekhyun sa Pilipinas nito lamang Pebrero para sa isang fan meeting na isinagawa ng isang local fashion brand na kaniyang iniendorso.

Huling tour niya ang “Lonsdaleite”. Nagdaos din ito ng isang show dito sa bansa, na talaga namang dinagsa ng kaniyang mga tagahanga sa Araneta Coliseum noong Abril 2024.

Hindi pa nilalabas ang ticket prices para sa Manila leg ng “Reverie” tour ni Baekhyun, ngunit kinumpirma na ito ng CDM Entertainment bilang promoter ng event sa pamamagitan ng isang poster na naglalahad ng tour stops nito.

Anila, ito’y magiging isang gabi na hindi malilimutan!

Ang “Reverie” tour ay sumusuporta sa pagbabalik ni Baekhyun kasama ang kaniyang ikalimang extended play na pinamagatang ‘Essence of Reverie’, na nakatakdang ilabas sa Mayo 19.

Magsisimula ang tour sa isang 2-day concert sa Seoul sa Hunyo 7 at 8, bago magpatuloy sa America, Europe, Oceania, at Asia.

Si Baekhyun ang pinaka-latest EXO member na nag-anunsiyo ng solo show sa Pilipinas, na tinatawag ng local fans na “tingi” era ng grupo. Tumutukoy ito sa local practice na paunti-unting pagbili ng mga produkto.

Samantala, ang isa pang miyembro ng grupo na si Xiumin ay nakatakda namang magtanghal sa New Frontier Theater sa May, na susundan naman ng concert ni Kai sa Araneta Coliseum, at ‘di rin magpapahuli ang concert ni Doh Kyung-Soo (D.O.) sa Agosto.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble