Bagong 10K teaching allowance, malaking bagay para sa mga guro sa Manila High School

Bagong 10K teaching allowance, malaking bagay para sa mga guro sa Manila High School

ISA nang ganap na batas ang ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’ o ang panukalang nagbibigay ng mas mataas na teaching allowance sa mga pampublikong guro sa buong bansa.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11997, mula sa kasalukuyang natatanggap na P5-K ay magiging P10-K na ang teaching allowance ng mga public school teachers simula School Year 2025-2026.

Ang RA 11997 ang katuparan ng matagal nang hiling ng mga guro na magkaroon ng dagdag na panggastos para sa kanilang epektibong pagtuturo.

Para sa mga guro, malaking bagay at malaking good news ang pagtaas sa P10-K ang halaga ng kanilang teaching allowance.

Mababawasan na anila kasi ang ginagawa nilang pag-aabono o pagkuha sa sarling bulsa para ipambili ng mga teaching materials.

Mamaintain na rin anila ang paggamit ng internet o WiFi sa pagtuturo sa mga bata.

Ayon kay Mam. Melanie Pascua, principal ng Manila High School, nasa P700 pa lang noon ang naabutan niyang teaching allowance kung saan kahong mga chalk lang ang maaari niyang mabili at magamit para sa pagtuturo kaya minsan hindi maiwasan na mag-abono pa ang mga ito para sa iba pang teaching materials.

Kaya aniya malaking bagay ang pagtaas ng allowance ng mga guro sa mga nakalipas na mga taon na ngayon nga ay umabot na hanggang P10-K.

Sabi naman ni Mam June Daffodil SaQuilabon, head teacher ng Manila High School na naging guro sa loob ng 20 years, ang dating 5-K teaching allowance ay talagang hindi na sapat lalo pa’t gumagamit na rin sila ng teknolohiya para sa pagtuturo.

Ayon dito, ang P10-K maari nang maipambili ng laptop para sa pagtuturo.

10K teaching allowance, maaaring hindi rin sapat kung mataas ang inflation—Manila High School

Pero ang pinangangambahan lang ng mga guro na baka hindi rin sasapat ang P10-K kung mataas naman ang inflation sa bansa.

Kung mataas anila kasi ang mga presyo ng mga kakailanganin nilang materyales ay maliit lang din ang 10-K.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble