IPAKIKITA na ngayong araw sa publiko ang mga bagong dating na 120 bagon ng tren na gagamitin sa LRT-1 Cavite Extension Project.
Ito ang inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) kasabay ng ulat na nasa 52% na ang pagsasakumpleto ng naturang proyekto.
Oras na matapos ang 11.7-kilometer project, inaasahang maseserbisyujhan nito ang nasa 800,000 pasahero kada araw.
Mula rin sa isang oras at 10 minutong biyahe mula Baclaran at Bacoor, bababa na ang travel time sa 25 minuto.
Sa pagpapatuloy ng konstruksyon, pansamantalang isasara ang inner most lane (northbound) sa Cavitex – Parañaque Bridge mula Marso 17 hanggang 31.
Layon nitong bigyang daan ang nakatakdang test pit works kasama ang bridge at pipe inspection para sa proyekto.
Katuwang ng LRMC sa proyekto ang DOTr at Light Rail Transit Authority (LRTA) sa ilalim ng “Build Build Build” Program.
Nauna nang sinimulan ang proyekto sa LRT-1 Cavite Extension sa panahon ni dating President Nonoy Aquino, at inaasahan na matatapos ito sa taong 2015 sa ilalim ng pangangasiwa ni dating Transportation Secretary Jun Abaya.
Kaugnay nito, naging hit pa sa publiko ang pahayag ni PNoy na magpapasagasa ito ng tren sa oras na hindi matapos ang nasabing proyekto.
Samantala, ang 120 na mga bagong bagon o light rail vehicles na binili ng Administrasyong Duterte ay nanggaling pa sa mga bansang Espanya at Mexico.
Ito rin ang bubuo sa 4th generation trains sakaling matapos na ang konstruksyon ng LRT line 1 Cavite Extension Project.
Sinabi ng DOTr, sa pagtutulungan at koordinasyon ng ahensiya gaya ng Light Rail Transit Authority, Light Rail Manila Corporation, Japan International Cooperation Agency, Mitsubishi Corporation, Construcciones y Auxiliar de Ferrocariles at CMX Consortium.
Ayon pa sa DOTr, wala nang makapipigil sa tuloy-tuloy na pag-arangkada ng isinasagawang extension ng LRT sa ilalim ng Build Build Build Program.