Bagong ebidensiya, ilalatag sa piskalya sa ikalawang pagdinig kaugnay sa Dacera case

NAKATAKDANG ilatag ng Makati City Police ngayong araw sa piskalya ang mga bagong ebidensiya kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Matatandaang, nauna nang inilipat ng Philippine National Police (PNP) sa ngayong araw Enero 27 ang pagdinig sa kaso ng nasawing si Christine Dacera.

Ayon sa PNP,  inaantay pa nila ang medical reports na hinihingi ng city prosecutor.

Ipinaliwanag ng Makati City Prosecutor’s Office na nag-aantay pa ang mga pulis ng DNA analysis, toxicology/chemical analysis, histopath examination, at laboratory results mula sa Makati Medical Center.

Matatandaang una nang idineklara ng PNP na rape with homicide ang naganap na pagkamatay ni Tintin Dacera.

Pero ayon sa medico legal report, ruptured aortic aneurysm ang ikinamatay ni Dacera, bagay na hindi pinapaniwalaan ng pamilya ng biktima dahil sa mga pasang tinamo mula sa katawan ni Tintin.

Ito din ang nag-udyok upang sampahan ng kasong administratibo ang police Makati na nagsagawa ng imbestigasyon sa nasabing kaso.

Dalawang linggo matapos nito, nagpalabas naman ng relief order ang directorate for investigation and detective management laban sa dalawang imbestigador, isang medico legal officer na si Major Michael Sarmiento at hepe ng Makati City Police Chief Col. Harold Depositar.

Sa kabilang banda nilinaw naman ni NCRPO Chief Police Major General Vicente Danao III na nasa kamay nito kung ipapataw nito ang desisyon sa pagsibak sa mga police officers habang nagpapatuloy ang kaso.

Giit ni Danao, may parte pa rin ang nasabing mga pulis sa kaso na maaaring makapagpalinaw sa insidente.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.