Bagong eTravel platform ng pamahalaan, inilunsad ngayong araw

Bagong eTravel platform ng pamahalaan, inilunsad ngayong araw

MAARI nang ma-access simula ngayong araw, Disyembre 2 ang bagong ‘eTravel’ online registration platform para sa lahat ng mga biyaherong papasok sa Pilipinas.

Ayon sa Office of the Press Secretary, ito ay bilang bahagi ng pagpapaluwag ng proseso sa pangongolekta ng mga datos ng mga pasahero.

Maari ma-access ang health declaration checklist ng Department of Health-Bureau of Quarantine sa pamamagitan ng etravel.gov.ph.

Ang mga pasahero naman na dating gumagamit ng onehealthpass.com.ph ay direktang mapupunta sa eTravel domain sa oras na i-click nila ang lumang platform.

Kailangan lamang sagutan ng mga biyahero ang kanilang personal profile, travel details at health declaration at i-download ang QR code na ibibigay.

Maaaring mag-register ang mga biyahero tatlong araw bago ang kanilang pagdating sa Pilipinas.

Ang eTravel ang pumalit sa dating one health pass website na hindi na rin maa-access ng publiko simula sa Disyembre 5.

Follow SMNI NEWS in Twitter