Bagong Gen-4 trains ng LRT-1, handa nang magbigay serbisyo sa mga komyuter

Bagong Gen-4 trains ng LRT-1, handa nang magbigay serbisyo sa mga komyuter

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang inagurasyon ng bagong Gen-4 trains ng LRT-1 sa Pasay City.

Handa nang umarangkada ang bagong tren ng LRT-1 upang makapagbigay serbisyo sa mga komyuter.

Nitong Miyerkules, isinagawa ang inagurasyon ng bagong 4th Generation Light Rail Vehicles (LRVs) ng LRT-1 sa Baclaran, Pasay City.

Ito’y opisyal na hudyat ng kahandaan ng

LRT-1 sa paglalagay ng bagong 4th Generation trains sa commercial operations, matapos ang matagumpay na isinagawang serye ng safety checks, inspections, trial runs at acceptance tests.

Sa talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na ipinagmamalaki nitong masaksihan ang tuluy-tuloy na pagsasakatuparan ng bisyon ng administrasyon sa isang mas maunlad na Pilipinas.

Partikular na binanggit ng Pangulo ang pagsakatuparan ng mga bagong LRV na gagamitin sa umiiral na sistema ng LRT-1 at sa LRT-1 extension sa Cavite.

Kinikilala naman ni Pangulong Marcos ang pagsusumikap na ginawa ng Department of Transportation (DOTr), Light Rail Transit Authority (LRTA), at ng Light Rail Manila Corp. para sa sama-samang pagtutulungan upang mabigyan ang mga Pilipino ng ligtas, maaasahan, at mahusay na serbisyo sa transportasyon.

“Equipped with advanced information system and a new signaling system, I am confident that the LRVs will not only improve the overall passenger experience but also will be championing safety,” ayon kay pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Nagpasalamat din ang Pangulo sa suporta ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at iba pang private partners para sa pagpapabuti ng mass transit systems sa Metro Rail project.

Ani Pangulong Marcos, malaking tulong ang dagdag na LRVs para maibsan ang traffic congestion, at air pollution.

“This commitment that you have shown to enhance the capacity of the LRT-1 by increasing the number of LRVs, we’ll be able to now aid in easing traffic congestion as well as mitigating air pollution caused by vehicles plying the roads of Metro Manila,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Samantala, ibinahagi naman ni Dotr Secretary Jaime Bautista na may kabuuang kapasidad na 1,388 pasahero kada biyahe ang bawat 4th Generation train set at apat na LRVs o coaches sa bawat set ng tren.

Ang bagong train set ay PWD-friendly din na may special areas para sa mga wheelchair.

Nagtatampok din ito ng destination signs upang ipaalam sa mga pasahero ang direksyon ng tren.

Bukod kay Bautista, kasama rin ni Pangulong Marcos sa event sina LRTA Administrator Hernando Cabrera, Japanese Ambassador Kazuhiko Koshikawa, Sakamoto Takema ng JICA, at iba pang opisyal.

Nagpaabot din ng mensahe sa administrasyong Marcos ang Japanese partners mula sa embahada ng Japan at JICA.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter