Bagong general hospital sa Davao Occidental, ipinasilip na sa publiko

Bagong general hospital sa Davao Occidental, ipinasilip na sa publiko

PORMAL nang ipinasilip sa publiko ang ikalawang national hospital sa Davao Region na Davao Occidental General Hospital sa isinagawang soft opening nitong Martes ng hapon, Marso 15, 2022, sa bayan ng Malita.

Pinangunahan nina Senator Christopher Bong Go at Davao Occidental Congresswoman Lorna Bautista-Bandigan na silang nagsulong na maisabatas ang pagtayo ng ospital, ang ribbon-cutting ceremony kasama si Senator Joel Villanueva at Department of Health 11 Regional Dr. Annabelle Yumang.

Samantala sa isang panayam kay Bautista-Bandigan, sinabi nito na malaki ang pasasalamat niya kay Senator Go dahil ipinaglalaban nito ang nasabing panukala sa Senado hanggang sa tuluyan na itong mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon sa representante ng probinsya, malaking tulong ito sa kanilang constituents dahil hindi na kailangan pang gumastos ng malaki para pumunta ng Southern Philippines Medical Center sa Davao City upang magpa-ospital.

Ipinagmalaki rin ng kongresista na magiging state-of-the-art ang nasabing pagamutan kung saan kaya na nitong mag-cater ng kahit anong karamdaman na hindi na kailangan pang bumyahe sa ibang lugar.

Kaugnay nito inaasahan naman na magiging fully-operational ang pagamutan bago pa matapos ang taon.

Follow SMNI News on Twitter