Bagong guidelines sa SIM registration, inilatag ng NTC

Bagong guidelines sa SIM registration, inilatag ng NTC

NAGLABAS ang National Telecommunications Commission (NTC) ng memorandum order sa mga telecommunications companies patungkol sa bagong guidelines sa SIM registration sa bansa.

Ito ang inanunsiyo ni NTC Deputy Commissioner Atty. Jon Paulo Salvahan sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing nitong Huwebes.

Ani Salvahan, ang naturang memo ay pinalabas ng NTC noong Setyembre 18, 2023.

“Ito po ang bagong guidelines or updated guidelines on the conduct of processes to verify the submitted data and information by the subscribers pursuant to the SIM Registration Act,” pahayag ni Atty. Jon Paulo Salvahan, Deputy Commissioner, NTC.

Ibinahagi ni Salvahan na ang naturang panuntunan ay nagsasabi sa mga telco kung ano ang mga dapat nilang gawin o dapat idagdag na mga teknolohiya sa kanilang mga SIM registration process.

Ito ay upang mapalakas at mabawasan ang mga insidente ng mga nagsusumite ng pekeng registration o pekeng identification.

“Bukod din po dito, kasama din po rito iyong parameters po na binigay po namin sa mga telcos kung paano po nila ibi-verify iyong mga nasa existing database na po nila or iyong sa mga nagparehistro na po ng SIM,” dagdag ni Salvahan.

Mayroon ding nilagay ang NTC para sa user-friendly reporting mechanism para sakaling may mga natatanggap pa rin na spam text o scam text ang mamamayan ay makapag-report sila nang mas maayos sa mga telco at sa NTC.

Inihayag pa ng NTC official na hindi pinapayagan ang selfie photo sa SIM registration, bagkus, live selfie na ang kailangan, ibig sabihin, at the moment of registration ay kailangan doon kumuha ng selfie.

Doon naman sa nasa existing database na, nakalagay sa guidelines ng NTC kung ano ang mga puwedeng tingnan o kailangang iprayoridad na tingnan ng telcos para maberepika kung tama ba ang mga datos at impormasyon.

At kung mapatunayan na ito ay mali o peke, puwede itong i-bar o i-deactivate ng telcos.

Binanggit din ng NTC official na ang mga existing registrants o ang mga nakapagparehistro na, kung may mali o may makitang hindi kumpleto sa kanilang registration ay maaaring bigyan sila ng notice ng mga telcos.

Mayroong 15 araw ang existing registrants, mula sa pagtanggap ng notice o abisong ito, para maitama ang registration information na kulang o mali.

Sa tanong naman kung kailan ang effectivity ng memorandum order at kung hanggang kailan ang deadline ng mga telcos ng pagpapatupad ng bagong guidelines, ang sagot ni Salvahan.

“Ito pong bagong MO is effective immediately, but we understand po na the telcos will need some time to incorporate in their systems these technologies ‘no. So we’ve given them a period of three months from the effectivity, so mga December 18 po iyong deadline po niyan. So dapat po ay mailagay na nila iyong technology by then,” aniya.

Doon sa bagong guidelines, ni-require ng NTC ang telcos na magsagawa ng monthly submission ng kanilang report kaugnay ng corrective measures.

Inaasahan naman na pagkatapos ng itinakdang deadline ay mababawasan ang fraudulent o fake registrations.

Follow SMNI NEWS on Twitter