Bagong mukha ng perang papel, magagamit na simula Dec. 23─BSP

Bagong mukha ng perang papel, magagamit na simula Dec. 23─BSP

IPINAKITA ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kauna-unahang Philippine polymer banknote series na nagtatampok ng mayamang biodiversity at cultural heritage ng bansa.

Ang polymer series ay binubuo ng mga bagong polymer denomination na P50, P100, at P500, kasama ang P1,000 polymer banknote, na ipinakilala noong 2022.

Kung sa papel na banknote itinampok ang mga larawan ng mga bayani at dating pangulo, sa polymer banknotes naman ay nagpapakita ng mga larawan ng native at protected species sa bansa maging ng tradisyonal na local weave designs.

Ang P500 bill, halimbawa, ay hindi na mga mukha ng yumaong Pangulong Corazon Aquino at ng kaniyang asawang si dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr. ang itinampok, bagkus ipinapakita na rito ang Visayan spotted deer, Puerto Princesa Subterranean River National Park, Blue-naped parrot at southern Philippine weave design.

Samantala ang P100 denomination ay naglalaman ng mga larawan ng Palawan peacock-pheasant, Mayon Volcano, whale shark at Bicol Region weave design habang tampok naman sa P50 bill ang Visayan leopard cat, Taal Lake, native maliputo fish at Batangas embroidery design.

Tampok naman sa P1,000 bill na una nang inilabas sa publiko noong 2022, ang Philippine eagle at sampaguita flower.

Ayon kay BSP assistant governor for the currency and securities production subsector Mary Anne Lim na magagamit ang mga polymer banknote sa limitadong dami lamang simula Disyembre 23 sa Greater Manila area.

Magiging available naman ang mga ito sa buong bansa sa Enero sa susunod na taon.

Ang mga polymer banknote ay maaaring tumagal ng hanggang pito at kalahating taon o limang beses na mas mahaba kaysa sa paper counterparts nito.

“Hinihikayat namin ang lahat ng mamamayan sa paggamit ng polymer banknotes, gamitin natin ito sa tamang paraan katulad ng pangangalaga na ginawa natin sa paper banknotes. This is Mkor durable. Sana mas mapahaba pa natin ang life span nito sa paggamit nang maayos,” wika ni Mary Anne Lim, Assist. Gov. for the Currency & Securities Production Subsector, BSP.

Dagdag ni Lim, mas malinis din ang mga ito kaysa sa paper bills at naglalaman ng higit pang security features na idinisenyo upang maiwasan ang pamemeke.

“Ang polymer sub… Kasi sa kabuuan ay mas mahirap i-counterfeit. It’s plastic, hindi na siya papel. Iyon pa lang sub… Mahirap na i-counterfeit. Pangalawa talagang nilagyan namin ng security features.”

“Bawal plantsahin, plastic po ito so talagang masisira,” wika ni Mary Anne Lim, Assist. Gov. for the Currency & Securities Production Subsector, BSP.

Ipinabatid naman ng BSP na ang mga banknote na may lumang disenyo ay mananatiling valid at sa pangkalahatang sirkulasyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble