Bagong NCRPO Chief, sinimulan na ang surprise inspection sa mga istasyon ng pulisya sa NCR

Bagong NCRPO Chief, sinimulan na ang surprise inspection sa mga istasyon ng pulisya sa NCR

INUMPISAHAN na ng bagong hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pag-iikot sa mga istasyon ng pulis sa Metro Manila.

Kagabi sinimulan ni NCRPO Chief Police Major General Felipe Natividad ang kanyang surprise inspection.

Kasunod ito ng kanyang pangako na ibabalik nito ang disiplina ng mga kapulisan sa kanilang mandato matapos ang reklamo ng ilang media personnel na halos hindi mahagilap ang mga ito sa kani-kanilang pwesto o opisina.

Ani Natividad, umpisa palang ito pero wala siyang balak na ipahiya ang mga tauhan ng NCRPO hangga’t kaya pang disiplinahin.

Ang mahalaga aniya ay maibalik ang dagdag pa na tiwala ng mamamayan sa Philippine National Police (PNP).

“Actually, yung mga binibisita namin…magagalang naman sila,” paglalarawan ni Natividad.

“Pumupunta ako diyan na nakasibilyan. Malalaman natin kung paano makitungo yung ating mga sargento de mesa or even the policemen on the ground… Kaya sinasabi natin sa mga pulisya na they should be soft and approachable so that you will always know kung ano talaga ang problema natin sa baba”, dagdag nito.

Inatasan din ni Natividad ang iba pang matataas na opisyal ng NCRPO na tiyempuhan ang mga ginagawa ng mga kapulisan sa oras ng trabaho.

Sang-ayon naman si PNP Chief Police General Dionardo Carlos sa hakbang na ito ng NCRPO.

Aniya, hindi dapat na kinukunsinti ang maling gawain ng mga kapulisan at alisin sa serbisyo kung kinakailangan.

“Tatlo naman yan: corrective, restorative and punitive. So, kapag talagang palagi na lang na ganoon ang ginagawa then he cannot be restored. May powers ang regional directors to punish or remove that person from the service,” wika ni Carlos.

Samantala, naniniwala ito na hindi lahat ng kapulisan ay nasasadlak sa masamang kaugalian. Marami pa rin aniya sa kanilang hanay ang karapat-dapat na bigyan ng pagkilala dahil sa kontribusyon nito sa buong organisasyon

“Yung ating pulis dapat disiplinado, nasa tamang disposisyon at yung kanilang araw-araw na trabaho ay nakakapag-contribute to the mission and function of the organization”, dagdag ng police official.

Nagsilbing panauhing pandangal si Carlos sa bagong bukas na research and development center sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig city.

Isa lamang ito sa mga nakaplano pang infra projects ng NCRPO bilang dagdag mora sa mga kapulisan nito at kahandaan sa iba’t ibang operasyon na haharapin sa susunod na mga  panahon.

Follow SMNI NEWS in Twitter