LUMIKHA ng bagong opisina si Pangulong Rodrigo Duterte na may mandatong pabilisin ang pagpo-proseso at pagbabawas sa red tape.
Ito ay sa ilalim ng Executive Order No. 129 kung saan binuo ang Office of the Presidential Adviser on Streamlining of Government Processes (OPASGP).
Layon ng naturang EO na ayusin ang paghahatid ng serbisyo sa mamamayang Pilipino.
Nakasaad din sa kautusang ito ng pangulo ang mga rekomendasyon na patawan ng parusa ang sinumang empleyado o opisyal ng pamahalaan na mapatutunayang sangkot sa gawaing katiwalian at korupsiyon.
Pamumunuan naman ang tanggapan ng Presidential Adviser on Streamlining of Government Processes (PASGP) ng may ranggo at sahod na kaparehas ng isang cabinet secretary.
Kabilang naman sa kapangayarihan at katungkulan ng bagong tanggapan ay ang mga sumusunod:
Magbigay ng rekomendasyon sa pangulo o sa anti-red tape authority na magiging daan upang gawing simple ang proseso at wakasan ang red tape sa sangay ng ehekutibo at mga lokal na pamahalaan.
Suriin ang mga umiiral na sistema sa gobyerno sa business environment.
Pagsasagawa ng epektibong mekanismo upang aksyunan ang mga direktiba ng punong ehekutibo sa mga ahensya ng pamahalaan kasama ang government-owned corporations katuwang ang ARTA.
Magbigay ng policy guidance at aksyunan ang lahat ng policy concerns.
Magbigay ng rekomendasyon sa pangulo sa pagpapatupad o karampatang parusa laban sa pasaway na government officials.
At pagrerekomenda sa ARTA at iba pang ahensiya ng pamahalaan na mag-imbestiga at aksyunan sakali mang may non-compliance ng sinumang opisyal o kawani ng pamahalaan.
Kukunin naman ang operation funds ng bagong tanggapan na OPASGP mula sa existing budget ng Office of the President.
(BASAHIN: Duterte, ibinunyag na nag-alok siyang mag-resign dahil sa korupsiyon)