‘Bagong Pilipinas’ leadership campaign, nagpapalakas ng pangako ng pamahalaan sa full economic recovery

‘Bagong Pilipinas’ leadership campaign, nagpapalakas ng pangako ng pamahalaan sa full economic recovery

INILUNSAD ng Marcos administration ang “Bagong Pilipinas” campaign bilang Brand of Governance and Leadership.

Batay sa Memorandum Circular No. 24 na inilabas ng Malacañang, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagpapatibay ng brand of governance at leadership campaign ng administrasyon na nananawagan para sa isang malalim at pundamental na pagbabago sa lahat ng sektor ng lipunan at pamahalaan.

Nagpapalakas din ito ng pangako ng pamahalaan tungo sa pagkamit ng komprehensibong policy reforms at full economic recovery.

Ang ‘Bagong Pilipinas’ campaign ay

magiging bahagi rin ng branding and communications strategy ng pambansang pamahalaan.

Sa tatlong-pahina ng memo, inatasan din ng Pangulo ang lahat ng National Government Agencies (NGAs) at instrumentalities, kabilang ang Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs) at State Universities and Colleges (SUCs) na gamitin ang ‘Bagong Pilipinas’ campaign sa kanilang mga programa, aktibidad at proyekto.

Kasabay rito, naaprubahan din ang logo ng ‘Bagong Pilipinas’.

Nakasaad pa sa memorandum na lahat ng NGAs at instrumentalities, kabilang ang GOCCs at SUCs, ay dapat i-adopt ang ‘Bagong Pilipinas’ logo at isama sa kanilang letterheads, websites, official social media accounts, at iba pang documents at instruments na may kinalaman sa flagship programs ng gobyerno.

Ang kampanyang ‘Bagong Pilipinas’ ay nagsisilbing pangkalahatang tema ng administrasyon ni Pangulong Marcos na nailalarawan ng isang may prinsipyo, pananagutan at maaasahang pamahalaan.

Layon din ng naturang kampanya na maisakatuparan ang mga layunin at mithiin ng bawat Pilipino.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter