ITINALAGA ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang bago nitong commander para sa Visayas Command (VisCom) kasunod ng pagretiro ni LtGen. Benedict Arevalo sa serbisyo matapos ang halos 40 taon bilang opisyal ng militar at bilang kadete.
Sa ginawang joint retirement at change of command ceremony na pinangunahan ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr, humalili sa puwesto ni LtGen. Arevalo ang kaniyang deputy na si Commodore Oscar Canlas Jr.
Si Commodore Canlas na ngayon ang mangunguna sa kampanya ng AFP sa Visayas.
Si Commodore Canlas ay miyembro ng Philippine Military Academy “Sambisig” Class of 1991, siya rin ay nadestino bilang Inspector General ng VisCom at humawak ng iba’t ibang posisyon sa Philippine Navy.
Sa kaniyang talumpati, inihayag ni Gen. Brawner na sa pagdating ng bagong commander ng VisCom, hinimok nito ang tropa ng Visayas Command na ito ay suportahan at panindigan ang matayog na kahusayan na naging pamantayan na ng Visayas Command.
“With the arrival of your new Commander, I urge everyone of you to extend your unwavering support and uphold the lofty standard of excellence that have become synonymous with this Command,” pahayag ni Gen. Romeo Brawner Jr., Chief of Staff, AFP.
Samantala, hindi naman matatawaran ang nakamit na katagumpayan ng VisCom sa ilalim ng pamumuno ni LtGen. Arevalo.
Patunay rito ang daan-daang miyembro ng komunistang grupo na sumuko sa pamahalaan at mga nasawing rebelde dahil sa mga engkuwentro maliban pa rito ang daan-daang armas na narekober ng mga sundalo.