INILABAS na ng Malacañang ang bagong priority list ng mga makatatanggap ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, base ito sa inaprubahan ng Interim National Immunization Technical Advisory Group (INITAG), isang team ng health experts na nagpapayo sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Kabilang sa priority list ng COVID-19 vaccine ang mga frontline worker sa mga national at local, private at public health facilities, health professionals at non-professionals tulad ng mga estudyante, nursing aides, janitors, barangay health workers at iba pa.
Ikalawa sa prayoridad ang mga senior citizen na may edad 60-anyos pataas; third priority ang may mga malalang sakit na hindi kasama sa mga unang nabanggit na kategorya.
Ikaapat sa priority list ay ang mga frontline personnel sa mga essential sectors tulad ng uniformed personnel at sa working sectors na tinukoy ng Inter-Agency Task Force na essential noong panahon na may Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Kasama din sa prayoridad ang mga mahihirap na indigent na hindi nakasama sa mga naunang kategorya.
Bibigyang prayoridad din ang mga guro at social workers, iba pang government workers at iba pang essential workers, mga nasa socio-demographic groups na may mataas na panganib maliban sa mga senior citizen at mga indigenous people; overseas Filipino workers at iba pang mga workforce.
Samantala, sinabi ni Roque na ang Pfizer-BioNTech vaccines na inaasahang darating ngayong buwan ay nakalaan para sa mga health workers.
Ang first tranche aniya ay ibibigay sa mga front-liners ng lahat ng COVID-19 dedicated hospitals, COVID-19 referral hospital, mga hospital na pag-aari ng Department of Health, local government hospitals, mga hospital para sa uniformed services o personnel at private hospitals.