SIMULA ngayong Abril, ipatutupad na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang bagong terminal assignment sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals.
Sa Abril 16, ang Jetstar Japan, Jetstar Asia, Scoot, China Southern Airlines at Starlux Airlines ay ililipat sa Terminal 3.
Sa parehong araw, ililipat ang mga flight ng Philippine Airlines (PAL) papunta at pabalik ng Singapore, Ho Chi Minh, Hanoi, at Phnom Penh sa Terminal 1.
Sa Hunyo 1 naman ang Ethiopian Airlines at Jeju Air ay lilipat sa Terminal 3.
Sa Hunyo 16, lahat ng international flight ng Philippine Airlines ay lilipat sa Terminal 1.
Para sa ikatlong bahagi ng programa, simula sa Hulyo 1, lahat ng domestic flights ng AirAsia Philippines ay lilipat sa NAIA Terminal 2.
Habang patuloy pang pinapalawak ng MIAA ang kapasidad ng Terminal 2, pansamantala munang mananatili ang mga domestic operations ng Cebu Pacific sa Terminals 3 at 4.