PATULOY ang rehabilitasyon sa NAIA Terminal 4 na kilala rin bilang Manila Domestic Airport sa Lungsod ng Pasay sa ilalim ng pamamahala ng NNIC, Target itong matapos bago mag-Marso.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Jose Ines, ililipat sa Terminal 4 ang domestic flights ng AirAsia Philippines.
Wala pang eksaktong petsa, ngunit target ito ngayong unang quarter ng taon.
Naniniwala si Ines na mas magiging komportable ang mga pasahero ng AirAsia sa bagong-ayos na terminal.
Matatandaang inilipat ang AirAsia mula sa Terminal 4 patungong Terminal 2 noong Hulyo 2023.
“Inaayos ang Terminal 4 dahil, dahil marami nang sira ang building, lumang-luma na, ginawa nila pinaluwagan nila ang loob tapos para ma-accommodate nila ang mga pasahero ng AirAsia,” ayon kay Eric Jose Ines General Manager, MIAA.
Bukod sa AirAsia, plano ring ilipat ang ibang airlines sa mga bagong itinalagang terminal ngayong taon.
Noong nakaraang taon, Inanunsyo na ng NNIC ang sumusunod na plano:
Ang NAIA Terminal 1 ay gagamitin ng Philippine Airlines para sa international flights; ang Terminal 2 ay magiging domestic terminal para sa Cebu Pacific, Cebgo, at iba pa; ang Terminal 3 ay para sa mga foreign airlines na kasalukuyang nasa Terminal 1.
“By early March malamang, lipat na ang AirAsia doon domestic, lipat din ang Cebu Pacific domestic sa Terminal 2, luluwag ‘yung buong Terminal 3, so that will mean lahat ng international slowly, will be transferred to Terminal 3, except Philippine Airlines,” ani Ines.
Samantala, magsisimula na rin ang MIAA at NNIC sa mga proyektong naantala dahil sa kapaskuhan, kabilang ang pagsasaayos ng taxiway, landing light, at approach light sa runway, at waterproofing sa Terminal 2.
Sisimulan na rin ang bagong set-up sa pagitan ng Bureau of Immigration at ng final security check na pinamumunuan ng Office for Transportation Security o OTS.
Sa kasalukuyan, ang mga pasaherong aalis ng bansa ay dumadaan muna sa Immigration bago sa security check.
“May idea niyan ang NNIC, para mas maganda mauna ang final security check, bago ‘yung immigration, para tuloy-tuloy na sana, mas maganda ang flow ng mga pasahero,” saad nito.