Bagong testing at quarantine protocols sa international passengers, inilabas na

Bagong testing at quarantine protocols sa international passengers, inilabas na

INAPRUBAHAN na ng Inter-Agency Task Force ang bagong testing at quarantine protocols para sa paparating na international passengers na manggagaling sa mga lugar na hindi classified as red list.

Mas nadagdagan  na ang mga  araw para sa testing at quarantine protocols ng mga dumarating na pasahero galing ibang bansa.

Ito’y upang tiyakin na agad ma-detect ang mga dumarating na pasahero kung ito ba ay positibo sa COVID-19.

Sa public briefing, inanunsyo ng Malakanyang na ang mga fully vaccinated individuals na dumarating sa bansa ay nire-require na ng negative RT-PCR test na isinagawa sa loob ng 72 hours bago ang kanilang paglipad mula sa bansang pinanggalingan.

Sasailalim din sila sa facility-based quarantine at kukunan din sila ng RT-PCR test sa ika-limang araw ng kanilang pagdating.

Kahit sila ay negative sa resulta ng test kailangan pa rin nila sumailalim sa labing apat na araw na home quarantine mula sa petsa ng kanilang pagdating sa bansa.

Para naman sa mga unvaccinated o partially vaccinated nire-require pa rin  ang mga pasaherong dumarating sa Pilipinas ng negative RT-PCR test  na may bisa na 72 oras bago ang kanilang pag-alis mula sa country of origin.

Sasailalim din sila sa facility-based quarantine at panibagong RT-PCR test sa ikapitong araw naman mula sa araw ng kanilang pagdating sa bansa.

Gaya ng mga bakunadong pasahero, sasailalim din sila sa home quarantine ng labing apat na araw mula sa araw ng pagdating sa Pilipinas.

Susundin naman ng mga menor de edad ang testing at quarantine protocols ng magulang or guardian na kasama nilang bumiyahe anuman ang vaccination status ng bata at country of origin.

Sa mga pasaherong dumating na sa bansa at kasalukuyang naka-quarantine, naka-quarantine, ang testing at quarantine protocols na umiiral nang sila ay dumating ang siyang susundin.

Hinihingi naman ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles  ang pag-unawa  sa mga  kababayan na may mga kamag-anak o minamahal sa abroad na may balak umuwi ngayong Pasko, kung bakit kailangang i-revise ang guidelines.

Kasunod pa rin sa umiiral na Omicron virant sa mundo.

“Tuluy-tuloy po ang assessment natin ng mga developments sa buong mundo. When they are developments that merit the adoption of a more cautious approach to the entry of individuals from overseas, the IATF will recommend what is necessary to safeguard the health of our people. Uulitin ko po,ginagawa po natin ito para protektahan ang ating mga kababayan,” pahayag ni Nograles.

Para naman sa mga Pilipinong nasa red list na pinapayagang makapasok sa Pilipinas sa pamamagitan ng government initiated or non-government repatriations at Bayanihan flights ay pinapayagan silang lumapag sa bansa ngunit sa Ninoy Aquino International Airport or Clark International Airport lamang.

Ayon pa kay Nograles, inaatasan ang Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan ng kanilang attached agencies na tiyaking sinusunod ng mga airlines ang direktibang ito.

Tiniyak  naman ni Nograles at ni Dr. Alethea de Guzman ng Department of Health (DOH) na sa bagong protocols mas madali nang mahuhuli at madi-detect ang mga positive cases mula sa mga pasaherong dumarating sa bansa .

“We are confident na iyong protocols natin as updated ay mahuhuli natin ‘no or madi-detect natin ang positive covid cases, if any ‘no,” ani Nograles.

“So ang mahalaga po ngayon ay protektahan natin ang borders natin not just from this green or yellow ‘no. So the new quarantine protocols are there to ensure that even if we receive arrivals from countries with increasing incidents of cases or with suspected local cases, sapat siya ‘no para, una, pinalawig ang quarantine para tumaas ang tyansa man lang na ma-detect natin agad kung mayroong mga positive cases,” ayon naman ni De Guzman.

Samantala, sa mga stranded nating kababayan sa Europa na nangangailangan ng emergency assistance o nais bumalik sa Pilipinas, pinapayuhan lamang na makipag-ugnayan ang mga ito  Philippine Embassy or Consulate General sa kanilang lugar.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.