Bagsak-presyo na school shoes, tampok sa Balik-Eskwela Shoe Bazaar sa Marikina

Bagsak-presyo na school shoes, tampok sa Balik-Eskwela Shoe Bazaar sa Marikina

SA paparating na pasukan, abala ulit ang mga magulang sa pagbili ng mga school supply, uniporme at bagong sapatos.

At saan pa ba ang punta kapag murang sapatos ang hanap kundi sa shoe capital of the Philippines—ang Marikina City.

Good news naman ang hatid ng city government sa mga naghahanap ng abot-kaya pero de-kalidad na school shoes.

Nitong Lunes, Hulyo 8 ay binuksan ng siyudad ang kanilang Back-To-School Shoe Bazaar.

Mahigit sa 40 local shoe makers ang tampok sa bazaar hatid ang high quality leather shoes pang-eskwela.

Ayon kay City Mayor Marcy Teodoro, paraan nila ito para makatulong sa lahat ng mga taga-siyudad at karatig-lugar na makatipid sa paparating na pasukan.

“Para sa ganon magkaroon ng access ‘yung ating mga magulang na kailangang ibili ng sapatos ‘yung kanilang mga anak na nag-aaral. Ang sapatos ng Marikina ay para sa lahat—ibig sabihin abot-kaya ang presyo nito,” wika ni Mayor Marcy Teodoro, Marikina City.

Bilang pag-suporta sa local shoe industry, libreng magagamit ang Freedom Park ng siyudad ng mga negosyanteng sumali sa shoe bazaar.

Tiniyak naman ni Mayor Teodoro na walang tong-pats o presyo pangmasa ang sapatos ng Marikina.

“Bagsak presyo na rin ang halaga ng sapatos na nabibili. Ito na ‘yung pinaka-discount na nabibili natin. Parang factory price na dahil ang nagtitinda nito at nagdi-distribute ay mga manufacturer. Wala itong middleman o kaya taga-benta pa, kung saan ginawa ang sapatos sila rin ang nagtitinda,” ani Teodoro.

Nasa P100 million kada-taon ang ambag ng shoe industry sa local economy ng Marikina.

At sa bawat benta ng locally made na sapatos, daan-daang pamilya ang nabibigyan ng hanapbuhay.

“‘Yun ang kagandahan sir. Pag once bumili ang client natin, maraming manggagawa ang matutulungan niya. Kasi nitong mga nakaraang pandemic, maraming nagsarang magsasapatos so ang advantage natin, bukod na bumili tayo nakatulong pa tayo sa mga manggagawa,” ayon kay Renz Regalan, Konzept Shoes.

Sa ilalim ng liderato ni Mayor Teodoro sa Marikina ay mas nagkaroon ng diin ang suporta ng LGU sa mga magsasapatos.

Malaking nagawa niya sa siyudad ang pagpapatupad ng supportive taxation sa naturang industriya.

Sa unang taon ng isang shoe manufacturer, hindi ito pinagbabayad ng buwis ng LGU.

Magkakaroon naman ng kaunting adjustment sa binabayarang buwis sa susunod na mga taon hanggang sa lumago ito.

Patunay ng magaling na liderato ni Mayor Teodoro kaya malapit ito sa mga tao.

Magtatagal ang Balik-Eskwela Shoe Bazaar hanggang Agosto 18.

Marikina Mayor Teodoro: Bukas ang Balik-Eskwela Shoe Bazaar hanggang Agosto 18

“Inaanyayahan natin ang ating mga karatig-bayan dito sa Metro Manila, dito din sa bahagi ng Rizal o di kaya maski na sa bawat probinsya, bukas ang ating shoe bazaar ngayon at dito sa Marikina, merong halos 60 days na panahon o dalawang buwan na ito ay mag-o-operate. Dito na kayo, bumili na kayo,” paanyaya ni Mayor Marcy.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble