HINILING ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na huwag muna husgahan si Baguio City Mayor Benjie Magalong na isa sa mga bubuo ng 5-man committee ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
“Kasi di pa nag uumpisa dami nang nagbabash kay Mayor Magalong…,” wika ni PGen. Rodolfo Azurin Jr., chief, PNP.
Ipinagtanggol mismo ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. si Mayor Magalong kasunod ng anunsiyo na isa ito sa mga bubuo ng 5-man committee ng DILG.
Ang nasabing komite ay siyang susuri at mag-iimbestiga sa lahat ng full colonels at generals na tumugon sa courtesy resignation deal ng DILG sa PNP dahil sa isyu ng iligal na droga.
Ayon kay Azurin, aminado siyang marami ang bashers o pumupuna kay Magalong ngunit hiling ng PNP sa publiko, bigyan ng pagkakataon ang alkalde para sa gagampanan nito sa komite.
Nauna na ring kinumpirma ni Azurin na ilan sa mga pangamba ng matataas na opisyal ng PNP kung bakit ayaw pang magsumite ng kanilang resignation ay dahil posibleng balikan sila ng mga miyembro ng evaluation team dahil sa ilang isyu o hindi pagkakaunawaan.
Bukod dito, isa rin sa mga dahilan aniya kung bakit maingat sa pagsasapubliko ng pangalan ang DILG sa bubuo ng komite dahil baka sapitin ng mga ito ang kasalukuyang batikos na tinatanggap ni Magalong.
Sa huli, tiniyak ng PNP na hindi maaaring magkamali si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pag-apruba sa komposisyon ng komite na nakatakdang mag-umpisa ng trabaho sa susunod na buwan.
Mayor Magalong, nakipagkita sa third level officers ng PNP sa Kampo Krame
Nitong Martes lamang nang namataan si Magalong na nakipagpulong sa lahat ng full colonels at general ng PNP na nakabase sa Kampo Krame.
Wala pang detalye ang PNP kung ano-ano ang mga napag-usapan sa nasabing pulong.