IPINAGBAWAL na ng pamahalaang lungsod ng Baguio ang pagpasok ng mga turista mula sa National Capital Region (NCR) at sa apat pang lalawigan na nakapalibot nito.
“Ika-cancel natin yung kanilang mga application to travel to Baguio, hindi talaga papayagan. We discourage them to travel to the city of Baguio. Talagang hindi pu-puwede,” pahayag ni Mayor Benjamin Magalong.
Kabilang sa mga probinsiya ang hindi payagan ang mga turistang bumisita sa Baguio ang Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan ayon na rin sa resolusyon na inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ayon kay Magalong, suportado nito ang resolusyon ng IATF-EID sa pagpigil sa mga turista mula sa nasabing mga lugar na makapasok sa Baguio.
Ito aniya ang kontribusyon ng lungsod upang mapigilan ang pagbiyahe ng mga tao at makontrol ang galaw ng mga ito.
“Definitely, hindi na tayo tatanggap ng bisita sa kanila except kung talagang essential travels tulad ng government officials and work-related,” ayon pa ni Magalong.
Dahil dito, inaasahan na ni Magalong ang malaking pagbagsak ng bilang ng mga turista sa Baguio partikular na sa panahon ng Holy Week.
“We expect a downtrend especially during the Holy Week,” dagdag ni Magalong.
(BASAHIN: Dalawang COVID-19 variants, nadiskubre sa lahat ng lungsod sa Metro Manila)