TINIYAK ni Baguio Mayor Benjamin Magalong na maging patas sa isinagawang imbestigasyon kaugnay na kontrobersyal na party na nag-viral sa social media.
Naging kontrobersyal ang isinagawang party na iniorganisa ng social media influencer na si Tim Yap sa The Manor sa loob ng Camp John Hay dahil sa kumakalat na mga larawan at video sa social media na nagpapakita na hindi sinunod ng mga bisita ang health protocols.
Ito ay sa kabila ng hight alert status ng lungsod dahil sa pagtaas ng kaso ng coronavirus.
Inamin din ni Magalong na kabilang siya at ang kanyang asawa sa naging panauhin ng nasabing controversial party at inamin din nitong may mga nangyaring paglabag sa nasabing kaganapan.
Dinahilan naman ng alkalde na ang lahat ay hindi perpekto at nakakalimutan minsan ng mga tao sa isang social event na magsuot ng mask.
‘Pag cultural show, bababa yung mga cultural dancers and then they will invite everyone for the community dancing. It’s part of the tradition, contrary to the report na binabastos nila ‘yung culture natin. The cultural dancer invited everyone to participate,” paliwanag ng mayor.
“So ang nangyari doon habang kumakain ‘yung ibang guest, dahil niyayaya sila, lumalapit ‘yung cultural dancers natin inviting all these people. Nalimutan nilang magsuot ng mask, nakipag-dance na ‘yung mga tao.’Yun ang nakuhanan ng video,” dagdag aniya.
Sa kabila nito, siniguro pa rin ni Mayor Magalong na managot ang lumabag sa health protocols na aniya ay imbestigahan at patawan ng multa kung maaari.
Maging ang asawa ng contact tracing czar ay hindi rin lusot sa imbestigasyon.
“Nagkataon na nakalimutan (ng wife ko) na isuot ang mask so she violated the ordinance. But if you look at the other picture, my wife was always wearing the mask. But she violated, so pati siya kasama sa investigation na ginagawa natin, including the others. Andun na ‘yung legal team natin ordering them to submit an explanation dahil sa nangyari,” ani Magalong.
Ikinalugod naman ni Mayor Magalong ang pag-promote ng grupo ni Yap sa turismo ng Baguio at ang naibigay nitong tulong sa mga local artist sa pamamagitan ng pagbili ng maraming art works at paintings mula sa mga ito.
Kaya kinukonsidera aniya ang konstribusyon ni Yap sa turismo at mga local artist ng Baguio sa gagawing imbestigasyon sa party na iniorganisa ng TV/radio host.
Nilinaw naman ni Magalong na compliant ang grupo ni Yap kung saan sumailalim naman ang mga ito sa swab test.