Bagyong Paeng, kumitil ng mga inosenteng buhay sa Maguindanao; Mga kabuhayan, nawash-out

Bagyong Paeng, kumitil ng mga inosenteng buhay sa Maguindanao; Mga kabuhayan, nawash-out

IKINOKONSIDERA ng lokal na pamahalaan ang Sitio Quarry sa Brgy. Awang, Maguindanao na ground zero.

Ibig sabihin hindi na ito pwedeng tirhan ng mga residente.

Sanay na ang mga residente na makaranas ng pagbaha pero ayon sa lokal na pamahalaan, ito ang maikokonsiderang pinaka grabeng epekto ng pagbaha.

Napakarami ang nawalan ng tahanan at kabuhayan.

At sa kasamaang palad, kumitil ito ng maraming inosenteng buhay.

Sa pag-iikot ng SMNI News team, nakapanayam ang ilang mga residente gaya ni Aling Leni kung saan masakit pa rin sa kaniya ang pagkawala ng kaniyang apo.

Pilit niyang kinikimkim ang emosyon habang ikinukwento kung paano hindi niya nailigtas ang kaniyang apo mula sa rumaragasang baha.

 “Yung bata napamahal na sa akin sir. Parang sinisisi ko yung sarili ko sir kung bakit namatay yung apo ko sir. Ganoon yung nangyari sa akin,” pagkukwento ni Aling Leni.

“Kasi, nasisi ko, kasi yung apo ko hindi ko naisalba sir. Kahit sino siguro nasa ganoon. Tapos nandito lang din ako. Tapos hindi ko siya naisalba sir. Sinisisi ko yung sarili ko sir. Hindi ko sila pinabayaan kahit kailan. Wala mang kami makain sir. Pero sama-sama kami niyan sir. Masakit sa akin sir,” aniya pa.

Halos hindi rin makapagsalita si Noel dahil sa sobrang hinagpis na kaniyang nadarama.

Pilit niyang nilalabanan ang lungkot at ang mga masakit na alaala na iniwan ng bagyo.

Kabilang ang kanyang asawa at dalawang anak sa mga binawian ng buhay sa rumaragasang baha.

 “Hindi ko talaga kaya kay wala na akong lakas. Nakainom na kasi ako ng tubig. Nalulumos na kasi ako. Yung tubig, nag-iikot siya. Nabitawan ko yung anak ko. Yun na,” ayon naman kay Noel Sangkayo-biktima ng Bagyong Paeng.

“Wala na akong naisip. Parang nawala na sa isip ko yung mga pamilya kong naanod. Naisip ko na ako na lang mag-isa,” ayon pa kay Noel.

“Yung ugangan ko sabi niya, “Ayusin mo sarili mo. Hindi porket wala na sila, sirain mo sarili mo.” Sabi niya, “Huwag ganoon. Kahit wala na yung anak namin. Andiyan ka pa rin na anak namin.” Kaya lumakas loob ko na para mabuhay,” dagdag pa nito.

Bukod pa sa mga nasirang kabahayan, hindi rin nakaligtas sa hagupit ng Bagyong Paeng ang mga kabuhayan ng mga residente sa Brgy. Awang.

Isa na rito ang mga resort sa Sitio Quarry na ikinokonsiderang ‘ground zero’ ng lokal na pamahalaan.

Tulad na lamang ng resort ni Aling Cristy na halos walang tinira ang bagyo.

Pero imbes na ang kaniyang resort ang inuna, mas pinili niyang unahin ang buhay ng kaniyang mga kapitbahay na nakatira malapit sa resort.

“Baka ako yung tulay. Kasi di ko alam, hindi ko talaga maimagine kung di ako gising. Kasi hindi ko alam kung paano sila makahingi ng tulong. Di ko alam kung paano sila makahingi ng tulong. Parang fresh na fresh. Parang ang bilis-bilis lang ng pangyayari. Hindi ko na iniisip kung ano nangyari sa resort. Hindi ko na inisip yun. Iniisip ko yung mga tao. Kasi kakilala ko lahat, lahat ng mga nawalan ng bahay kilala namin,” pahayag ni Cristy Jane Lim-biktima ng Bagyong Paeng.

Masakit pero pipilitin anilang makabangon.

Pagod pero anila hindi sila aatras sa laban ng buhay.

Sa gitna ng pagsubok na kanilang kinakaharap, naniniwala ang mga residente na hindi sila iiwanan ng Poong Maykapal.

Matapos sinalanta ng bagyo ang bayan ng Maguindanao, sinagot ng Poong Maykapal ang kanilang dalangin, dumating ang tulong.

Ngayon, mula sa taong hindi hindi nila sukat akalain na maaalala sila sa panahon ng pangangailangan.

Lubos ang kanilang pasasalamat dahil dumating ang relief operations ni Pastor Apollo C. Quiboloy katuwang ang Chinese Embassy na nagbigay ng pag-asa na makabangong muli.

Follow SMNI NEWS in Twitter