ISASARA ng 11 buwan ang ilang parte sa kalahating bahagi ng EDSA-Kamuning southbound flyover simula Abril 25.
1980’s pa nang itayo ang Kamuning Flyover sa Quezon City, kaya naman sa pagdaan ng mahabang panahon ay hindi kataka-taka ang sitwasyon nito ngayon.
“Ang sitwasyon ng flyover po natin ngayon na kung saan ‘yung kaniyang deck slab o ‘yung mismong dinadaaan ng ating mga sasakyan, ng mga motorista po ay rumurupok na po siya,” ayon kay Engr. Paul Chua, DPWH-NCR.
Dahil dito isasailalim ang Kamuning Flyover partikular na ang southbound sa isang retrofitting o mas patitibayin pa muli ang nasabing tulay bilang paghahanda sa “The Big One” ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Kailangan na kailangan na pong i-repair siya, nasabi naman po ng DPWH although passable pa siya it will pose danger sa mga motorista kung sakali nga po magkalindol,” ayon kay Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.
“Kailangan pong ayusin to make sure na kung sakali huwag naman po sana magkaroon ng lindol sa atin ay hindi po siya guguho. Iyan po ‘yung purpose niyan,” ani Artes.
Ang nasabing proyekto ng DPWH ay magsisimula sa darating na Abril 25 at inaasahang tatagal ng 11 buwan para makumpleto.
Sinabi pa ng ahensiya na ang phase 1 ay tatagal ng 12 linggo at hindi naman isasara nang buo ang parteng ito ng flyover.
Bukod sa Kamuning Flyover sa Quezon City, may dalawang malaking road works din sa Roxas Boulevard na inaasahang magsisimula sa Abril 5.
Ayon pa kay MMDA Acting Chairman Romando Artes, sisimulan na rin ang 14 na iba pang road projects sa iba’t ibang parte ng Metro Manila simula 11:00 pm ng April 5 hanggang 5:00 am ng Abril 10 o 11, 2024.
Clearing operations sa mga alternatibong ruta, mas paiigtingin ng MMDA
Inaasahan naman na dahil sa mga naglalakihang proyekto ay mas bibigat pa ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Kaya naman mas paiigtingin pa ng MMDA ang kanilang mga clearing operation sa mga Mabuhay Lanes na nagsisilbing alternatibong ruta para sa mga motorista.
“In the coming days, especially leading sa pagsisimula ng mga proyekto na ito hanggang ginagawa ‘yung proyekto hanggang matapos, siguro mas paiigtingin natin sa mga lugar na nakapalibot dito to make sure na ‘yung mga alternatibong daan ng ating mga kababayan, malinis, walang obstruction para naman hindi ganoong kalaki ang epekto in so traffic is concern,” saad ni Artes.
Mga pribadong kompanya, hindi na muna papayagang magsagawa ng road works sa EDSA—MMDA
Paglilinaw naman ni Artes na hindi na muna papayagan ang mga pribadong kompanya na magsagawa ng road works.
“’Yung decision namin na payagan 24/7 ang DPWH lamang ay resulta nga po ng nangyari noong nakaraan ‘yung pong proyekto ng pribadong sektor ay hindi natapos. Kailangan po namin kasing mag-reevaluate ‘yung polisiya particularly ‘yung penalty system. As I have said, pinag-aaralan po namin na ‘yung project owner mismo ay isasama sa mga ipe-penalize para magkaroon sila ng responsibilidad,” paglilinaw ni Atty. Artes.
Matatandaan na bigo ang dalawang sub-contractor ng Globe Telecom na tapusin ang 24 na roadwork na nasa iba’t ibang bahagi ng EDSA noong Semana Santa.
Kaugnay rito ay pagmumultahin ng MMDA ang mga nasabing contractor ng mahigit P1.2-M.