Baklas-plaka, mahigpit na ipinagbabawal ng LTO

Baklas-plaka, mahigpit na ipinagbabawal ng LTO

PINAGBAWALAN ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang mga law enforcer at deputized agent na magkumpiska ng plaka ng mga nahuhuling sasakyan o ang tinatawag na ‘baklas-plaka’.

Kasunod ito sa natanggap na reklamo ng ahensiya na ilan sa mga enforcer ang nagbabaklas ng plaka sa mga sasakyan na lumabag sa batas-trapiko.

Ang kautusang ito ay matapos lagdaan ni LTO chief Jay Art Tugade kamakailan, ang isang memorandum na tumutukoy sa probisyon ng umiiral na Joint Administrative Order (JAO) No. 2014-01.

Nakasaad sa naturang kautusan na ang mga driver’s license at student permit ay maaaring isailalim sa alarma, kung hindi pa nababayaran ng drayber o may-ari ng sasakyan ang kaukulang multa.

Paglilinaw pa ni Tugade, ang lahat ng LTO law enforcers at deputized agents ay hindi dapat baklasin ang mga plaka kung hindi ma-impound ang mga nahuling sasakyan.

Pagtitiyak ng LTO sa publiko na ang Central Command Center ng ahensiya ay maagap na makapaghahatid ng impormasyon sa mga tauhan nito sa lansangan hinggil sa mga nakaalarmang sasakyan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter