Bakuna laban sa ASF, malapit nang maging available—DA

Bakuna laban sa ASF, malapit nang maging available—DA

MAGIGING available na ‘for commercial use’ sa Pilipinas ang bakuna laban sa African Swine Fever (ASF).

Ibinahagi ito ng Presidential Communications Office (PCO) sa gitna ng pagkumpirma rito ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa sidelines ng isang event sa Calbayog City, Eastern Samar nitong Huwebes.

Dagdag ni Laurel, ang commercial trial para sa mga bakuna ay aaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) dalawang linggo mula ngayon.

“Malapit nang lumabas ‘yung approval sa vaccine for the swine,” ayon kay Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. Department of Agriculture (DA).

Pagkatapos nito ay magkakaroon na aniya ng komersyal na distribusyon para sa nabanggit na bakuna.

Inaasahan ng DA na ang mga bakunang ito ay makapipigil sa pagkalat ng ASF sa bansa.

Nabanggit ng kalihim na mahigpit ang kooperasyon sa pagitan ng FDA at DA para rito.

Sinabi pa ng DA Secretary na ang bakuna ay mula sa Vietnam at tunay na epektibo, sabay nagpahayag ng kumpyansa na matutugunan nito ang problema sa ASF.

Samantala, inihayag ni Laurel na layon ng DA na mas palakasin ang pagbabantay sa mga inaangkat na kalakal papasok sa bansa.

“Kailangang bantayan ito dahil dati wala tayong ASF, wala rin tayong bird flu. Dapat mag-focus tayo sa mga gate at pagkatapos doon na ang internal,” saad ni Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr.

Mababatid na matinding pinsala sa swine industry ang naidulot ng ASF, isang sakit na maaaring makahawa at makamatay sa mga alagang baboy sa farm maging sa mga ligaw na baboy.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble