Bakunadong bata nasawi sa rabies; DOH binalaan ang publiko sa pekeng anti-rabies shots

Bakunadong bata nasawi sa rabies; DOH binalaan ang publiko sa pekeng anti-rabies shots

TINALAKAY sa Palace briefing noong Huwebes, Hunyo 19, ang kaso ng isang anim na taong gulang na batang lalaki mula sa Gumaca, Quezon, na namatay matapos makagat ng alagang tuta.

Batay sa ulat, nakagat ang bata noong Mayo 7, 2025, at isinailalim siya sa unang dose ng anti-rabies vaccine sa Gumaca District Hospital sa kaparehong araw. Sinundan ito ng ikalawang turok noong Mayo 12, ikatlo noong Mayo 16, at huling turok noong Hunyo 4.

Sa kabila ng pagkumpleto ng apat na bakuna, hindi pa rin siya nailigtas.

Kaya’t nananawagan ang pamilya ng imbestigasyon para matukoy kung may pagkukulang o depekto sa ginamit na bakuna.

“It’s either iyong vaccine didn’t work, kasi it’s not a vaccine—iyon ang, what we give to mga bata na nakagat ay iyong tinatawag na post-exposure prophylaxis. But everybody calls it a vaccine. But to me, it’s like the shot for tetanus—when you get wounded, we give you an anti-tetanus serum. It’s antibodies that will actually protect you in case may rabies iyong asong kumagat sa iyo,” saad ni Sec. Teodoro Herbosa, Department of Health.

Dagdag ng Department of Health (DOH), may mga ulat na ilang pribadong animal bite centers ang gumagamit ng mga ipinuslit na bakunan o hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA). Mura ang presyo ng mga ito, ngunit hindi tiyak ang bisa.

“We discovered there are vaccines coming in that are not registered with FDA. In fact, I had a meeting yesterday with the Bureau of Quarantine, the FDA, and CIDG because we discovered there are private vaccine facilities—iyong tinatawag na Animal Bite Centers. Iyon iyong private na nagbebenta at alarmingly low-price ng bakuna. And when we checked, hindi siya registered with our FDA. So mukhang smuggled—so ang tawag namin doon, contraband.”

“If they are given to people na nakagat, baka hindi effective. Kasi baka number one, fake, o baka underdose,” aniya.

Sa datos ng DOH, 400 ang nasawi sa rabies noong 2024—doble sa bilang ng naitalang kaso noong nakaraang taon. Mahigit kalahati sa mga ito ay mula sa sariling alaga ng mga biktima—mga asong hindi nabakunahan.

Ayon kay Secretary Herbosa, hindi sapat ang bakuna sa tao kung ang hayop ay hindi rin nabakunahan. May mga pagkakataong huli na ang pagbabakuna, at hindi na ito epektibo.

“Iyong post-exposure vaccination is not 100 percent. So that depends on how rabid the animal is, ano iyong timing—was it given early, or was it given late?”

So iyon lang ang message ko diyan: pabakunahan ninyo iyong mga aso ninyo, please,” dagdag nito.

Paalala ng DOH: iwasan ang paglapit sa mga asong gala o pusang ligaw, at turuan ang mga bata na umiwas sa mga hindi kilalang hayop.

Patuloy ang kampanya ng DOH tuwing buwan ng Marso para sa rabies prevention, ngunit nananatili ang panawagan ng kagawaran: maging responsable bilang pet owner at tiyaking bakunado ang mga alagang hayop.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble